Dumikit sa ibang manager drama actress, trinaydor ang manager na nag-angat sa palaos niyang career
Masama ang loob ng manager na ito sa isang drama actress dahil nalaman niyang may iba pang manager ito na nakikipag-negotiate para sa kanya.
Hindi maintindihan ng manager kung bakit ginano’n siya ng drama actress. Ilang taon na silang magkasama at wala silang naging problema.
Ang drama actress daw ang lumapit sa kanya noon para matulungan ito sa mga guesting.
Dumaan kasi sa isang matinding financial problem ang drama actress at ginawa naman ng manager ang makakaya niya para maiahon sa pagkalugmok ang drama actress.
Kaya hindi masisisi ang manager kung isumpa niya ang drama actress dahil sa ginawa nitong pagtatraydor sa kanya.
Kuwento ng aming source na malaki ang naging hirap ng manager sa drama actress noong una siyang lapitan nito.
“Ang manager na ‘yan ang nag-ayos ng lahat para magkaroon ng exclusive contract ang drama actress sa TV network na nilalabasan niya ngayon.
“Imagine, nagawan ng magic ng manager na ito na makuhanan niya ng kontrata ang pa-has been nang artista? Gano’n kasi siya kagaling.
“Tapos malalaman na lang niya na pagkatapos ng pirmahan and all, biglang iba na ang nakikipag-usap sa mga bossing ng network. Naitsapuwera siya bigla pagkatapos ng maraming taon ng pagtulong nito.
“Ang mali kasi kay manager ay verbal agreement lang sila ni drama actress. Hindi niya pinapirma ng anumang kontrata sa kanya.
“Kasi naman, hindi niya maiisip na gagawin sa kanya ng drama actress ‘yon dahil para na raw silang magkapatid.
“Common courtesy lang na sabihin niya na may iba na siyang gustong maging manager. Hindi ‘yung malalaman na lang ni manager tapos parang dedma siya.”
Nalaman nga raw ni manager na nanghihinayang na si drama actress sa komisyon na binibigay sa kanya.
‘Yung bagong tumatayong manager daw ngayon ni drama actress ay hindi mataas ang komisyon.
Samakatuwid, sinira ni drama actress ang ilang taong pagkakaibigan dahil lamang sa pera.
Rachelle Ann waging best performance sa Broadway Awards
Nagwagi na naman si Rachelle Ann Go dahil sa pagganap niya bilang Fantine sa longest-running musical na Les Misérables sa London.
Ginawaran si Rachelle ng Broadway World UK Awards bilang Best Female Performance para sa paglabas nito sa West End production of Les Misérables.
Sobrang natuwa si Rachelle dahil hindi niya ini-expect na mananalo ulit siya para sa ibang musical naman.
Noong nakaraang taon, nanalo rin si Rachelle sa Broadway World UK Awards para sa pagganap niya as Gigi sa pagbabalik ng Miss Saigon sa West End.
Isa pang Pinoy ang nanalo at ito ay si Jon-Jon Briones as Best Male Performance para sa Miss Saigon kunsaan gumanap siya bilang si Engineer.
Kabilang si Jon-Jon sa original Pinoy cast ng Miss Saigon noong 1989 kunsaan si Lea Salonga ang gumanap na Kim at understudy nito si Monique Wilson.
Kasali rin sa original London cast sina Isay Alvarez, Robert Sena, Pinky Amador, Janine Desiderio and the late Junix Inocian.
Adele tuluy-tuloy ang pag-ariba ng album
Ang bagong album ng British singer na si Adele titled 25 ay ang number one UK album ngayon.
Tinalo nga ng 25 ang record na naitala ng album na Oasis noong 1997. Bumenta ang album ni Adele ng 800,307 copies kumpara sa Oasis na 696,000.
“The statistics surrounding the album are staggering, topped by the simple fact that no album has ever sold 800,000 copies to reach Number 1 in the history of British music,” ayon pa sa chief executive Martin Talbot.
- Latest