Lea hindi pa rin inilaglag ang pagiging Pinoy!
Hindi naman siguro nagbabalak si Lea Salonga na pumasok sa pulitika, kaya hindi namin alam kung ano talaga ang dahilan at personal siyang gumawa ng deklarasyon sa pamamagitan ng social media na siya ay isang “green card holder” pero kailanman ay hindi siya humingi ng American citizenship.
Hindi niya binitiwan ang kanyang pagiging isang Pilipino.
Hindi naman namin masisisi ang iba nating mga kababayan na nag-desisyong maging kano, o maging citizen ng iba pang bansa. May mga kaibigan kaming ganyan.
Siguro dahil sa may iba nga silang interests dahil sa kanilang mga negosyo o kabuhayan. Pero ang sinasabi nga namin humahanga kami sa mga kagaya ni Lea Salonga na nagkaroon na ng lahat ng pagkakataon pero hindi binitiwan ang kanyang pagiging isang Pilipino.
Noong umaani ng tagumpay si Lea sa Broadway, at talagang doon na sila naninirahan ng kanyang ina, siguro kung sinubukan nilang maging American citizens ay may magagawa naman sila, at madali nilang magagawa iyon.
Kung iyong iba nga eh, nagpunta lang doon, nakapag-asawa naging kano na eh. Pero sa kabila ng lahat ng pagkakataon, at nalalaman nilang disadvantage dito sa Pilipinas, pinili pa rin nila ang manatiling isang Pilipino.
Iyang pagiging isang Pilipino, hindi naman masasabing for convenience lamang eh. Pilipino ka kung kailangan mong maging Pilipino, tapos basta nakakita ka ng ibang pagkakataon magiging Kano ka naman.
Hindi for convenience iyan. Iyan ay pagkilala sa bayang sinilangan, at pagpapahalaga sa iyong mga karapatan bilang isang mamamayan ng sarili mong bayan.
Kagaya nga ng sinabi namin, hindi naman issue sa amin kung may iba na gustong maging Kano, maging Hapones, maging Canadian o ano pa man. Ang sinasabi lang namin, mas humahanga kami sa mga kababayan nating nananatiling isang Pilipino ano man ang nangyayari.
Wang Fam mananakot sa Star City
Darayo raw sa Linggo, November 8, sina Pokwang, Benjie Paras, Andre Paras, Yassi Pressman, Alonzo Muhlach at ang iba pang artista ng Wang Fam sa Star City.
Isusuot nila ang kanilang mga aswang costumes at susubukang mas takutin pa ang mga guest sa Star City na papasok sa dalawang horror attractions ng park, iyong Dungeon at iyong Gabi ng Lagim.
Sabi nga nila, titingnan natin kung alin ang mas nakakatakot, iyong cast ng Wang Fam, o iyong mga characters sa loob ng mga horror attractions ng Star City. Hindi kagaya ng ibang horror attractions na iba na may mga tao lamang nakasuot ng costumes at nananakot, ang mga horror attractions sa Star City ay “mechanized”. Ibig sabihin hindi mga tao ang nananakot kung di mga ginawang characters. Ganyan ang uso ngayon sa mga horror attractions maging sa ibang bansa.
Pero siyempre ang advantage nga, makikita naman nila nang personal ang mga sikat na artistang darayo roon para manakot.
Nakakatakot din, pero hindi naman talagang horror ang Wang Fam. Iyan ay isang horror comedy. Sabi nga nila, sino ba naman ang matatakot sa mukha nina Andre Paras at Yassi Pressman kahit na naka-suot aswang pa sila? Hindi naman sila mukhang aswang.
Si Pokwang, nakakatawa naman siya. Hindi naman talaga siya mukhang aswang, pero siyempre susubukan nga niyang manakot din dahil sa character niya.
Paghahanda rin iyan para sa showing ng Wang Fam na sa November 18 na.
- Latest