Direktor na nambugbog sa aktres, punching bag dapat ang kinuhang kaeksena
Huwag na nating banggitin ang kanilang mga pangalan. Pero nagalit ang isang director na sa pagkakaalam namin ay gumagawa ng mga indie movies sa isa niyang artista at sinabi niyang iyon ang “pinaka unprofessional performer na nakita ko”.
Ang akusasyon ng director, hindi raw sinabi ng artistang babae sa kanya na kaoopera lamang niya. Tapos alam naman daw ng aktres na ang subject ng pelikula ay domestic violence, tapos tumatanggi iyon na kunan nang makatotohanan ang mga eksena at ang gusto ay dayain na lang.
Ayon sa aktres, umangal naman siya dahil sa eksena ay gusto niyang bugbugin nang totohanan. In fact sinikmuraan na nga raw siya at sinuntok pa. Parang gusto ni direk na bugbugin siya nang totohanan.
Sa aming opinion lang, iyang ginagawa nila ay pelikula lamang.
Hindi namin alam kung magkano nga ba ang ibinayad nila sa baguhang aktres na iyon, o kung pananagutan ba ni direk kung may masama mang mangyari sa aktres na gusto niyang bugbugin nang totohanan, pero hindi ba kaya nga “aktres” kasi ang ginagawa niya ay akting lang. Kung gusto ng totohanan, hindi sana isang aktres kung hindi isang punching bag ang kinuha ni direk.
Hindi namin alam kung papaano matatapos ang usapang iyan. Natatandaan namin, si direk ay minsan na ring inireklamo ng isang aktor ng sexual harassment. Hindi kami kumakampi kahit na kanino pero mukhang hindi naman yata tama iyon.
AlDub at Wally, kinilala ng mga katoliko
Ipinagkaloob ng Catholic Social Media Summit ang kanilang pagkilala sa AlDub, na kinabibilangan hindi lamang nina Alden Richards at Maine Mendoza kundi pati si Wally Bayola, ang pagkilala dahil sa kanilang responsable at pagbibigay ng mabuting halimbawa sa mga kabataan at iba pang nanonood ng telebisyon. Sinasabi nilang ang ganyang klaseng panoorin ay bihira na ngayon, at marami pa ngang nagpapakita ng kabastusan.
Iyong Catholic Social Media Summit ay isang grupo na binuo ng ibang mga samahang Katoliko, at nilinaw na ng CBCP na hindi sila mismo iyan, at hindi rin sila mismo ang nagbigay ng award, bagama’t sinasabi nilang isang mabuting halimbawa talaga ang ginagawa ng AlDub, lalo na ang mga pangaral ni Lola Nidora.
Maaaring sabihin ng iba, “hindi naman kilalang award iyan”. Maaaring ding sabihin nila, “minor recognition iyan”. Maaaring may magsabi pa ngang hindi naman organic ang award na iyan.
Pero hindi natin maikakaila na ang bansa ay binubuo pa rin ng isang malaking mayorya ng mga Katoliko at ang pagbibigay sa kanila ng ganyang pagkilala ay makakatulong pa nang malaki sa kanilang programa.
Ang matindi riyan ay hindi naman iyong tinanggap nilang plake ng karangalan eh. Ang mas matindi sa ganyang klase ng approval, madalas nating naririnig ngayon sa sermon ng mga pari at sa pagtuturo ng mga tamang values ang mga salitang alam naman nating ginagamit sa kalyeserye kagaya nga ng “sa tamang panahon”.
May mga narinig pa rin kaming diretso ang reference sa AlDub lalo na at sa kanilang pangangaral ng kagandahang asal. Kung naipapangaral iyan ng mga pari, hindi kami magtataka kung ganoon din ang sinasabi ng mga pastor ng ibang sekta ng relihiyon, kasi talaga namang magagandang values ang sinasabi nila. Sana maipagpagpatuloy pa nila iyan.
- Latest