Ryzza Mae malapit nang maitsapwera dahil kay Baby Baste
MANILA, Philippines – Dapat maging alerto si Ryzza Mae Dizon sa pagsulpot ng EB Child wonder from Gensan na si Baste na napapanood sa Eat Bulaga.
Pamangkin siya ni Alden Richards kaya pareho silang pogi. Sa isang eksenang magkasama sina Ryzza Mae at Baste, kinanta nila ang God Gave Me You.
Maging sa pagsagut-sagot sa mga tanong ni Lola Nidora (Wally Bayola), malaking epek sa tao. Halatang komedyante talaga ito. Lalo’t sumasagot pa siya gamit ang Bisaya dialect.
Panalo na naman ang Eat Bulaga sa batang ito. Maalagaan lang si Baste tiyak gagawa ito ng pangalan.
INC hindi nagkamali sa pagpili kay Dennis
Maswerte si Dennis Trillo, bigating producer ang nakakuha sa kanya para gawin ang movie na Felix Manalo. Walang humpay sa paggastos at lahat ng hilingin sa shooting ay ibinibigay ng producer.
At ang Ads, full page, hindi kaparis ng iba na halos hindi mapansin ang nakalagay na anunsyo. At tiyak naming dudumugin ito.
Hindi naman nagkamali ang Iglesia ni Cristo sa pagpili kay Dennis Trillo, nasa tamang panahon na ito para bigyan ng matinong pelikula at hindi pulos sa pag-aagawan ng asawa at kabaklaan ang tema ng naibibigay na papel.
Malaking pasasalamat ni Dennis at nalampasan niya ang mga pananaw ng mga nakapanood noon sa My Husband’s Lover na may pagkabeki dahil sa maganda niyang pagkakaganap.
Knowing Dennis, kahit anong papel ang ibigay sa kanya ay kayang-kaya niya gampanan.
Showtime dapat na talagang ibahin ang format
May mga nagtatanong, bakit panay daw ang pagtatanggol ng Gabriella kay Pastillas Girl, sa It’s Showtime dahil parang ibinubugaw ang dalaga sa ilang kalalakihan sa takbo ng istorya. Ang tanong, ano naman kaya ang maitutulong ng Gabriella kay Pastillas Girl sakaling matsugi ang istorya nito sa Showtime? Ano’ng tulong naman ang maibibigay nila sa dalagang naghahanap buhay sa telebisyon? May maibibigay ba silang pagkakakitaan sakaling mawalan ito ng trabaho?
Dapat malamang, sumusunod lang ito sa script na ibinigay ng producer sa Showtime. Ang malaking problema ng Showtime, kung ano ba ang format na gagawin nila para malabanan ang AlDub ng Eat Bulaga.
Dapat siguro, mamigay na rin sila ng pera sa mga tagapanood para sumabay na rin sa trend ng mga TV program ngayon. Gusto ng fans, habang nanonood ay may tsansang magkaroon ng pera sa pinapanood nila. Nakakapagod ding pumalakpak ha, sa tuwing may matatapos kumanta sa stage kailangan pumalakpak. At sana, itigil na rin nila ang laitan.
- Latest