Beteranong basketbolista na si Allan Caidic, ikukuwento ang buhay
MANILA, Philippines - Sa kasaysayan ng Philippine Basketball Association (PBA) wala pa raw nakatatalo sa record ni Allan Caidic na makapagtala ng 79 points sa loob ng isang PBA game.
Ngayong Miyerkules sa Powerhouse, samahan si Kara David na silipin ang bahay at alamin ang kuwento ng tagumpay ni Allan na kinikilalang “The Greatest Shooter in PBA History” at siya ring nag-iisang “The Triggerman” sa mata ng basketball fans.
Naranasan din daw ni Allan na maging bangko noong nagsisimula pa lang siyang maglaro ng basketball hanggang sa magkaroon siya ng pagkakataong ipakita ang kanyang talento. At nang maglaro na si Allan sa PBA noong 1987, itinanghal siyang “Rookie of the Year.”
Naging matagumpay si Allan sa basketball pero noong 1997 ay nanganib hindi lang ang kanyang karera kundi pati na ang kanyang buhay sa loob mismo ng hard court. Na-injure siya nang magharap ang San Miguel Beermen at Gordon’s Gin. Ilang minutong nakahandusay at hindi makagalaw si Allan na napanood ng buong bansa nang live sa telebisyon. Marami ang nabahala rito at may mga kontrobersya pang umusbong kaugnay nito. Paano nga ba hinarap ni Allan ang pagsubok na ito sa kanyang buhay?
Sa Cainta, Rizal naman matatagpuan ang dalawang palapag na tahanan ni Allan. Ang kanyang misis daw na si Malotte ang naging interior designer nito. Hindi magarbo ang mga kagamitan sa loob na repleksyon daw ng kanilang buhay. Makikita rito ang mga koleksyon ni Allan, kasama na rin ang mga tropeo at ibang parangal na nakuha niya sa paglalaro ng basketball.
Retirado na si Allan sa PBA pero aminado siya na nakakabit na sa bituka niya ang paglalaro ng basketball. Sa kasalukuyan, si Allan ang nagsisilbing assistant coach ng De La Salle Green Archers.
Mapapanood ang pagbisita ng Powerhouse kay Allan Caidic ngayong Miyerkules ng hapon, pagkatapos ng Healing Hearts, sa GMA 7.
- Latest