Heart at Chiz kailangang mag-effort na mapa-attend ang magulang sa kanilang kasal
Talagang kailangang magsikap at hindi lamang umasa ni Heart Evangelista sa pagpunta sa kanyang kasal ng kanyang mga magulang. Masyado namang matindi kung ang kasal niya ay mai-snob ng mga magulang niya. Bagama’t open naman sila na hindi nila gusto ang mapapangasawa ng kanilang anak, si Senador Chiz Escudero. Kung natatandaan ninyo, minsan ay tumawag pa ng press conference ang mga magulang ni Heart para sabihin sa lahat ang kanilang objections.
Iyon ding ginawa ng ermat ni Heart na hindi siya pinansin sa isang mall matapos niyang batiin ay maliwanag na indikasyon na talagang ayaw ng mga magulang niya sa kanyang desisyon. Hindi rin tama ang sinasabi niyang mas naiintindihan siya ng kanyang ama, dahil wala rin namang ginagawa iyon para pagkasunduin sila ng kanyang ina at mabuo ulit sila bilang pamilya.
Dito sa atin, at siguro kahit naman saan, hindi magandang indikasyon iyong hindi dadalo ang mga magulang, lalo na ng babae sa kasal ng kanilang anak. Nagpapakita iyan ng kanilang objections sa simula pa lamang. Bagama’t nasa edad na nga si Heart at hindi na kailangan ang sinasabi ng batas na “parental consent”, maliwanag na maging ang mga gumawa ng batas ay naniniwalang kailangan ang pagsang-ayon ng mga magulang sa isang kasal.
Hindi puwedeng sasabihin lang nila sa publisidad na umaasa siya na dadalo ang kanyang mga magulang. Kailangan pagsumikapan nila, silang dalawa ni Senador Chiz, na kausapin ang mga iyon para magpunta sa kanilang kasal. Tanggapin na nila anuman ang sasabihin ng mga iyon, o anumang kundisyon ang hingin nila, kaysa naman sa ma-snob ang kanilang kasal. After all, hindi mababago ni Heart na ang mga iyon ay kanyang magulang. Hindi rin naman mababago ni Senador Chiz na sila ang kanyang magiging biyenan. Habang-buhay nilang dadalhin iyan, kaya kailangan pagsikapan nilang magkaroon muna ng pagkakasundo bago ang kanilang kasal.
Derek ayaw pakawalan ng Kapatid Network
Hindi pa pumipirma ng bagong kontrata si Derek Ramsay sa TV5, pero sinabi na niyang mananatili siya sa Kapatid network at nasabihan na siya ng mga boss na gusto nilang manatili pa siya sa roon. Hindi nga naman mahalaga iyang kontrata. Ang mahalaga ay kung happy ang network sa kanya, at happy rin ba siya sa network. It seems ganoon ang sitwasyon kaya inalok pa siyang mag-renew ng kontrata sa kanila.
Marami na rin namang mga artistang nakaalis sa TV5 na ni hindi pinag-usapan, ibig sabihin maluwag na pinayagang umalis pagkatapos ng kanilang kontrata. Pero si Derek, bago pa man matapos ang kontrata, sinabihan nang gusto pa nilang nandoon siya.
Dingdong tama lang na umatras sa 2016 elections
Sabi nila, ibinasura na raw ni Dingdong Dantes ang anumang ambisyon sa pulitika sa 2016. Wise decision iyan dahil sa itinatakbo ng mga pangyayari ngayon, mahihirapan siya sa partidong sinusuportahan niya. Isipin mo, mas pinili ng presidente na magpunta sa kanyang kasal, samantalang hindi sinipot ang pagdating ng mga bangkay ng mga bagong bayani ng bayan, ang SAF Fallen 44. Isa pa, kahit naman sa mga survey noon, nasa mga kulelat na numero si Dingdong.
- Latest