Mga kampeon ng taon nasa Motorcycle Diaries
MANILA, Philippines – Bago magtapos ang taon, samahan ang broadcast journalist na si Jay Taruc na muling kilalanin ang mga magigiting na kampeon ng lipunan sa Motorcycle Diaries ngayong Huwebes sa GMA News TV.
Kabilang sa mga kampeong ito sina Titser Fe na matapos magturo sa paaralan ay dumidiretso naman sa ilalim ng isang tulay para turuan ang mga kabataang hindi pumapasok sa eskwelahan. Isa rin sa kanila si Rodel na siyam na taon nang declogger o tagalinis ng mga baradong kanal at imburnal sa Quezon City. Malaking papel ang ginagampanan ni Rodel para maiwasan ang malalang pagbaha na isa sa pangunahing problema sa kamaynilaan.
World class champion naman si Luke Landrigan sa larangan ng surfing pero hindi rin nagpapahuli sa surfing ang kampeong magkapatid na Nilbie at Nildie na pinatunayang sa larangang minsang pinagharian ng mga kalalakihan, ilang tropeyo na ang kanilang napanalunan.
Gumawa naman ng kasaysayan ang San Mig Super Coffee Mixers sa kanilang pagkapanalo sa finals game ng PBA Governors Cup. Ang koponan kasi nila pa lamang ang muling sumungkit ng titulong Grand Slam champion sa loob ng halos dalawang dekada sa mundo ng professional basketball sa Pilipinas.
Samantala, binulabog ng grupong Way 5 ang mundo ng social media sa kanilang kasikatan. Sa tulong ng cyberspace ay naipakita at nakilala ang talento sa pag-awit at pagsayaw ng mga miyembro nila.
Para naman sa ilan ay panghabambuhay na responsibilidad ang pagiging kampeon ng tahanan. Sa edad na sitenta’y dos, wala pa ring tigil si Lolo Vidal sa pagtitibag ng bato sa isang quarry site sa Rizal mapagtapos lang ng pag-aaral ang mga anak. Dahil para sa kanya, ang tunay na kampeon ng tahanan handang isakripisyo ang sarili nang buong-buo at walang pag-aalinlangan para sa kapakanan ng kanyang pamilya.
Ito rin ang naging panata ni Lolo Boy nang minsan niyang isinantabi ang pangarap na makapagtapos para maitaguyod ang edukasyon ng mga anak. Pero ngayong graduate na ang mga ito, siya naman ang nagsusumikap na maabot ang pangarap na diploma kahit nasa dapithapon na ng kanyang buhay.
Bigyang–pugay ang mga kampeon ng taon sa Motorcycle Diaries ngayong Huwebes, 10 p.m., sa GMA News TV Channel 11.
- Latest