Sindikato sa likod ng libreng gamot bistado
MANILA, Philippines - Bibistuhin ni Julius Babao ang sindikatong nangongolekta ng mga libreng gamot mula sa mga pulitiko para ibenta ngayong Lunes (Setyembre 2) sa Bistado.
Sinubaybayan ng Bistado ang galaw ng naturang grupo sa loob ng dalawang linggo at natuklasan ang pangdodoktor ng mga dokumentong medikal gaya ng reseta at medical report ang istilo nila para makakulimbat ng mga libreng gamot sa iba’t ibang bayan.
Matuldukan na kaya ang kabulastugan ng grupo sa pagkakadokumento ng galaw nito?
Bukod dito, ibubuking din ni Julius ang panggagantso ng isang dayuhan na kaya umanong gawing dolyar ang itim na papel ’pag binudburan ng espesyal na powder na kanya ring ibinebenta.
Ipapakita rin sa episode ang iba’t ibang gimik ng ilang salisi gang na nahuli sa CCTV (closed-circuit television) camera.
Huwag palampasin ang Bistado, ang inyong katuwang sa seguridad at proteksiyon ng pamilya ngayong Lunes, 4:45 p.m., sa ABS-CBN. Para sa updates sa programa, i-like ang www.facebook/ BistadoTV o i-follow ang @BistadoTV. Para naman sa mga reklamo at sumbong, maaari itong idulog sa hotline na 414-2539 at i-text ang Bistado(space)(message) at i-send sa 2327 para sa Globe subscribers at sa 0917-8902327 para sa ibang network.
- Latest