Mga artistang kandidato target ng goons!
Mukhang nagiging masyadong bayolente ang eleksiyong local, at mukhang mga artistang kumandidato ang kanilang target.
Noong isang umaga, pinagpapalo ng mga nakatakip ang mukhang kalalakihan ang actor na si Ervic Vijandre, kabilang ang labing apat niyang supporters habang nagkakampanya sa Taguig. Putok ang ulo ni Ervic na hinampas daw nang hindi niya nakilalang suspect ng dos por dos. Isinugod siya sa St. Luke’s Medical Center, ganoon din ang kanyang mga nasaktang supporters.
Kinagabihan naman ng araw ding iyon, pinaulanan ng bato ang rally nina dating presidente Erap at Vice Mayor Isko Moreno sa Sampaloc. Hindi rin naman matukoy kung sino ang may kagagawan noon pero natural ang iisipin ay kalaban. Wala naman siguro silang ibang atraso, kaya maliwanag na iyon ay politically motivated. Kung sino sa kanilang mga kalaban ang may hawak na mga goons na gumawa noon, iyon ang kailangan pa nilang tuklasin.
Pero may mga bagay kaming napuna. Ginulpi sina Ervic sa isang barangay malapit lamang sa munisipyo ng Taguig, pero walang pulis na nakakita sa kaguluhan hanggang sa nabugbog pa nga sila. Nabato rin sina Erap Estrada at Isko Moreno sa Sampaloc, wala ring pulis na naroroon.
Kapuna-puna rin naman na mga artistang kandidato ang siyang napag-iinitan ng mga may hawak na goons. Eh mga artista iyan eh, wala namang mga goons diyan kaya wala nga naman silang laban kung mga goons na ang haharap sa kanila. Kasama ba talaga sa taktika iyong kung artista ang makakalaban mo kailangang gamitan mo ng goons? Iyon ba ay dahil sa angal ng iba na wala silang artistang endorser, kaya goons na lang ang ginagamit nila laban sa mga artista?
Kung hindi naman goons, talagang pinauulanan nila ng demanda. Kesyo hindi botante sa lugar na iyon kagaya ni Aga Muhlach, at hindi rin daw Pinoy talaga.
Bakit nga ba matindi ang takot nila kung artista na ang kandidato? Bakit hindi sila takot sa ibang kalaban nilang mga professionals din? Ang ikinatutuwa lang namin, wala pa kaming nababalitaang artistang kandidato na may mga goons din.
Paglipat ni JC, mabilis ang denial
Mabilis na ikinaila ni Rams David ng Triple A na lumipat na sa kanila ang male star na si JC de Vera nang matapos ang kontrata sa manager niyang si Annabelle Rama. Sabi ni Rams, ni wala siyang alam na negosasyon sa paglipat sa kanila ni JC.
Si Rams ay dati ring production man ng GMA 7 na umalis na sa network. Matapos umalis ay nagtayo siya ng restaurant at nag-manage ng mga talents. Ngayon pala kasama na siya sa grupo ni Tony Tuviera na Triple A.
Napanalunang festival ni Jericho, small time lang?
Best actor si Jericho Rosales sa katatapos na Newport Beach Film Festival.
Isa iyan sa mahigit na isang libong film festivals na ginagawa sa buong mundo taun-taon. Hindi major festival iyan, hotoy-hotoy lang. Kagaya lang iyan noong ibang awards na napanalunan ni Nora Aunor mula sa mga hotoy-hotoy ding film festivals.
- Latest