EDITORYAL - Budget para sa assistance programs, dapat silipin

KASALUKUYANG isinasaayos ng Senado ang 2027 national budget. Sa pagkakataong ito, hindi lamang ang mga kuwestiyonableng infrastructure projects ang nararapat busisiin. Kailangan ding ting­nan at bantayan ang bilyun-bilyong pisong nakalaan sa ayuda at iba pang assistance programs ng pamahalaan. Mahalaga ito lalo’t papalapit ang 2028 national elections.

Ayon sa Senate finance committee, P97.5 bilyon ang iminungkahing bawas sa budget ng DPWH, kabilang ang mga proyektong hindi nakasunod sa accountability requirements tulad ng geotagging, program of works at certificate of implementability.

Pero nararapat ding bantayan ng budget watch­dogs ang paglaki ng pondo para sa mga assistance program, kabilang ang AICS at iba pang ayuda para sa health, livelihood, education, farmers at fisherfolk.

Ang concern ay may mga programang nagbibigay ng puwang sa politicians na magkaroon ng papel sa pag-refer o pamamahagi ng tulong.

Hindi masama ang ayuda. Para sa pamilyang walang pambayad sa ospital, manggagawang nawalan­ ng trabaho o pamilyang sinalanta ng kalamidad, gaya ng bagyo, lindol, baha, pagputok ng bulkan, ma­aaring ito ang agarang tulong na maipagkakaloob sa kanila.

Ang problema ay kapag ang perang mula naman sa kaban ng bayan ay nagmumukhang personal na regalo ng pulitiko.

Habang papalapit ang 2028 elections, mas mahalagang malinaw ang rules: sino ang kuwalipikado, paano pinipili ang beneficiaries, sino ang nag-aapruba at paano masisiguro na pare-pareho ang proseso kahit walang endorsement ng isang elected official.

Lalong mahalaga ito dahil maraming panguna­hing serbisyo ang naghihintay pa rin ng sapat na pondo.

Mahigit 26,000 public schools, halimbawa, ang wala pa ring regular na principal, habang 3,000 bagong Principal I positions lamang ang nasa proposed 2027 budget kahit mas marami ang kaila­ngan upang maabot ang target ng full coverage.

Kaya hindi sapat na itanong kung gaano kalaki ang ayuda. Dapat ding tanungin kung paano ito ibibigay at kung may sapat na safeguards laban sa patronage.

Ang ayuda ay pera mula sa kaban ng bayan. Tandaan na hindi ito personal na pabor. At lalong hindi ito dapat maging puhunan para makakuha ng boto sa nalalapit na election. Nararapat maging mapagsiyasat sa 2027 national budget.

Show comments