Imago (36)
MABILIS na hinablot ni Maya ang pitaka ni Nelson mula sa ibabaw ng kahon. Agad niya itong ibinulsa habang ang kanyang mga mata ay pabalik-balik na sumusuri sa bawat sulok. Ang araw ay nananatiling nakatutok sa kanya, tila isang malaking mata mula sa langit.
Ngunit ang katahimikan ng tanghali ay binuwag ng isang mabagal na langitngit.
Sa harap ng kampana, ang naglalakihang sliding door na gawa sa kahoy at papel ay kusang bumukas nang dahan-dahan. Mula sa tila walang katapusang kadiliman sa loob ng bulwagan, isang makapal na usok ang dahan-dahang lumabas, gumagapang sa sahig patungo sa kinaroroonan ni Maya.
Agad na tinakpan ni Maya ang kanyang ilong nang maamoy ito. Hindi ito ang mabangong insenso na karaniwang sinusunog sa mga templo. Ito ang matamis at nakahihilong amoy ng kemikal, ang parehong amoy na nagpabagsak sa kanya sa silong ng lumang pabrika.
Kung sino man ang dumukot kay Nelson ay narito. At inaanyayahan siya nitong pumasok.
Humakbang si Maya patungo sa madilim na pintuan, pilit na nilalabanan ang lula at takot. Pagtapak niya sa malamig na sahig na tatami, unt-unting nag-adjust ang kanyang paningin sa kawalan ng liwanag.
Sa gitna ng malawak at madilim na bulwagan, sa tapat ng gintong altar ng templo, may isang taong nakaupo sa sahig. Nakatalikod ito sa kanya, tuwid ang likod, at walang kaunting galaw. Ang taong iyon ay suot ang pamilyar na pantalon at sapatos ni Nelson. (Itutuloy)
- Latest




















