Walang midyear bonus ngayong taon
Dear Attorney,
Maraming taon na po kaming binibigyan ng aming kumpanya ng bonus tuwing midyear o kalagitnaan ng taon, bukod pa sa aming 13th month pay. Ngayong taon po ay biglang sinabi nila na wala na raw bonus. Maaari po ba naming ilaban na dapat kami ay makatanggap ng bonus dahil matagal na naman namin itong natatanggap?—Dory
Dear Dory,
Upang masagot nang maayos ang iyong tanong, kailangang unawain muna kung ano ba talaga ang bonus ayon sa batas. Ang bonus ay itinuturing na mula sa kagandahang-loob ng employer, at ibinibigay bilang karagdagan sa karaniwang sahod kaya hindi ito maaaring basta ipilit ng empleyado bilang isang karapatan. Sa pangkalahatan, ang pagbibigay ng bonus ay isang management prerogative, na nangangahulugang nasa kagustuhan ng employer kung ibibigay ba ito o hindi. Kaya karaniwan, ang hindi pagbibigay ng bonus ay hindi agad masasabi na paglabag sa batas ng employer.
Ngunit may mga exception dito na maaaring pumabor sa iyo at sa mga nasa katulad na sitwasyon. Ang pagkakaroon ng bonus ay nagiging karapatan na maaaring igiit ng empleyado kung ito ay naging isang matagal at regular na practice na ng kumpanya. Kung paulit-ulit at tuluy-tuloy na ibinigay ng iyong employer ang bonus sa loob ng mahabang panahon, kahit na alam nilang hindi naman ito kinakailangan ng batas, maaaring ituring na ito bilang isang company practice na hindi na basta-basta maaaring bawiin. Ang pagbawi rito ay maaaring ituring na paglabag sa karapatan ng empleyado sa tinatawag na non-diminution of benefits sa ilalim ng Article 100 ng Labor Code.
Sa katunayan, may mga pagkakataon na nagpasya ang Korte Suprema na kapag ang isang kumpanya ay tuluy-tuloy na nagbibigay ng bonus sa loob ng maraming taon, anuman ang kita ng kumpanya, ito ay maaari nang ituring na benepisyong hindi na maaaring alisin nang basta-basta. Bukod sa pagiging isang matagalang praktis, nagiging demandable rin ang bonus kung ito ay nakasaad sa isang kasunduan tulad ng employment contract o sa isang collective bargaining agreement kung may unyon kayo, o kung ang bonus ay ginawang bahagi ng iyong sahod nang walang anumang kondisyon.
Gayunpaman, kahit pa naging karapatan na ang bonus dahil sa matagal na praktis, maaari pa ring hindi ito ibigay kung ang kalagayan sa pananalapi ng kumpanya ay lumala hanggang sa puntong hindi na nito kayang magbigay ng bonus sa mga empleyado. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Traders Royal Bank v. NLRC, et al. (G.R. No. 88168, 30 August 1990), hindi dapat parusahan ang isang employer dahil lamang sa kanyang nakaraang kabutihang-loob, kaya kung tunay ngang naghihirap ang kumpanya, maaaring may sapat na batayan upang hindi makatanggap ng bonus ang mga empleyado.
Kaya ang sagot sa iyong tanong ay nakasalalay sa mga detalye ng iyong kasalukuyang sitwasyon. Kung ang bonus ay matagal at regular na ninyong natatanggap at maganda naman ang kondisyon ng kumpanya, maaaring may batayan kang igiit ito. Kung hindi naman maganda ang lagay ng negosyo ay maaaring panigan ng batas ang employer sa hindi nito pagbibigay ng karaniwang bonus ngayong taon.
- Latest
















