‘Ice Candy’ (Part 5)
NAIPIT ako sa labanan ng dalawang magkaaway na grupo. Wala akong masulingan para mapagkublihan. Ang lugar ay malawak na taniman ng mais na noon ay kaaararo pa lamang. Wala ni isang puno na mapagkukublihan.
Nagsagupa ang dalawang grupo. Narinig ko ang pagbato ng bote at iba pang mga matitigas na bagay.
Kasunod ay may narinig akong putok ng baril. Hanggang sa marinig ko ang mga lumilipad na palaso mula sa Indian pana. Sunud-sunod ang paglipad.
Dumapa ako sa lupa at inilapat ang mukha sa styro box na may lamang ice candies. Nagdasal ako ng taimtim na iligtas ng Diyos sa kapahamakan. Hiniling ko na huwag akong tamaan ng bala ng baril o ng palaso mula sa Indian pana.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakasubsob sa lupa habang nakadikit ang mukha sa styro box na may laman na ice candies.
Hanggang sa tumahimik ang paligid. Nawala ang mga putok ng baril at ang nagliliparang palaso.
Tumigil na rin ang mga nagliliparang bato at bote.
Tanging ang makapal na alikabok ang makikita sa lugar.
Dahan-dahan akong bumangon para malaman ang mga nangyari.
Wala na ang dalawang grupo na nagsagupa. Naghabulan kaya? Maaring ganun ang nangyari dahil nagkaroon nang makapal na alikabok.
Nang tingnan ko ang styro box na pinagkoberan ko ng aking mukha, nagulat ako.
Nakita ko sa styro box ang mga palaso ng pana! Nakatusok! (Itutuloy)
- Latest


















