^

Punto Mo

Pitik sa presyo, pitik sa buhay

QUESEJODA - Butch M. Quejada - Pang-masa

MATINDI ang babala ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) matapos ilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakabagong datos sa inflation: sumirit ito sa 7.2% nitong Abril mula sa 4.1% noong Marso. Pinakamataas ito mula pa noong Marso 2023 at malinaw na senyales na lalong kumakapit sa leeg ng masa ang krisis sa gastos ng pamumuhay.

Hindi na ito simpleng numero sa papel. Sa kalsada, ramdam ‘to sa bawat pisong kulang sa palengke, sa bawat ulam na lumiit, sa bawat pamasahe na parang ayaw na magpatalo sa taas. Tuluy-tuloy ang pagmahal ng pangunahing bilihin at serbisyo, habang ang sahod eto, nakapako pa rin. Ang tama? Direkta sa sikmura ng ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga pamilyang kapos na nga, mas kinapos pa.

Babala ng CenPEG: kung tuloy ang ganitong takbo at walang agarang aksyon ang gobyerno, lalalim pa ang agwat ng may kaya at wala, at mas dadami ang malulugmok sa hirap.

Hindi na pwedeng puro pakiusap at pangako. Ayon sa CenPEG, kailangan ng diretsahang galaw: I-freeze ang presyo ng mga pangunahing bilihin para pigilan ang abusadong taas-presyo; Tanggalin ang excise tax sa langis at iba pang basic goods na nagpapataas lang ng gastos sa transportasyon at produksyon; Isuspinde o alisin ang VAT sa mahahalagang produkto at serbisyo para makahinga naman ang konsyumer; at itaas ang sahod ng mga manggagawa pribado man o gobyerno dahil hindi na makatarungan ang kasalukuyang antas nito.

Ayon kay CenPEG Chairperson Roland Simbulan, “Ang 7.2% na inflation hindi lang estadistika araw-araw itong krisis para sa pamilyang Pilipino na hirap nang maglagay ng pagkain sa mesa. Kailangan ng gobyerno ng matapang at agarang hakbang price freeze at pagtanggal ng mga buwis na pabigat sa mahihirap. Panahon na para unahin ang tao, hindi ang nakasanayang patakaran.”

‘Di na ito usapin ng teknikal na numero o economic jargon. Hustisya na ang nakataya. Habang patuloy na kinakain ng inflation ang kakayahang bumili ng tao, lalong nagiging malinaw: kailangan ng sistemang ekonomiya na inuuna ang pagkain sa hapag, proteksyon sa sahod, at patas na pag-unlad.

Kung hindi kikilos ang mga nasa poder, sino pa? Ang tanong ng bayan: hanggang kailan kami magtitiis?

Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon batay sa mga inilabas na datos at pahayag ng mga nabanggit na institusyon. Hindi ito layong manira o magbigay ng maling paratang laban sa sinumang indibidwal o ahensya.

INFLATION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with