Nagpautang pero hindi binabayaran
Dear Attorney,
Pinautang ko ng pera ang aking kaibigan at kahit ilang beses ko ng sinisingil, hindi pa rin niya ako binabayaran. Nang padalhan ko ng demand letter, tinext niya ako at sinabing magsasayang lang daw ako ng pera dahil wala naman akong pruweba na hindi pa siya bayad sa utang niya. Tama po ba siya? Nag-isip ako dahil paano ko nga naman patutunayan na hindi pa siya nagbabayad? – Bryan
Dear Bryan,
Ang kailangan mong patunayan ay ang pagkakaroon niya ng utang sa iyo. Kung makapaglalabas ka ng mga pruweba ukol dito, nasa kabilang panig na para sagutin ito at patunayan ang kung anumang depensa na ilalatag niya katulad ng kesyo hindi siya umutang o kaya’y nabayaran na niya ito.
Sa BPI v. Spouses Royeca (G.R. NO. 176664, July 21, 2008), kapag sapat nang napatunayan ang pagkakaroon ng utang ayon sa ebidensiya, ang inaakusahang may utang na ang kailangang magpatunay na siya ay nakapagbayad na, kung ito ang kanyang depensa.
Ayon naman sa Jimenez v. NLRC (G.R. No. 116960, April 2, 1996, 256 SCRA 84), “one who pleads payment has the burden of proving it.” Ibig sabihin, para sa mga kasong kung saan may isyu ukol sa bayaran, ang sinumang magdahilan na siya ay nakapagbayad na ay ang siyang kailangang magpatunay nito.
Samakatuwid, hindi ikaw ang kailangang magpatunay na hindi pa bayad ang may utang sa iyo.
Kung itutuloy mo ang pagdedemanda at may sapat ka ng naipresenta sa korte para patunayang may utang nga siya sa iyo, ang nangutang na sa iyo ang kailangang maglabas ng pruweba na ikaw ay binayaran na niya.
- Latest















