‘Duyan’ (Part 6)
GANUN na lamang ang pasasalamat ni Inay nang makitang wala akong bakas ng kagat ng sawa at wala ring sugat. Tulog na tulog pa rin daw ako at walang kamalay-malay na muntik nang malulon ng sawa.
Sinisi raw naman ni Inay ang sarili kung bakit niya ako iniwan. Kung mayroon daw nangyari sa akin ay hindi niya mapapatawad ang sarili. Nangako si Inay na hindi na niya ako iiwan kahit sandali man lang.
Ang isang ipinagtataka raw ni Inay ay kung paano ako nakaligtas sa mabangis na sawa. Maituturing na himala raw ang pagkakaligtas ko sa malaking sawa. Natatandaan daw ni Inay na nang makita niya ang sawa ay nasa ibaba na ito ng duyan. Sa tingin ni Inay nahulog ito. Habang nasa ilalim ang sawa, walang tigil sa pag-ugoy ang duyan.
Ang pinagtataka ni Inay, sino ang nag-ugoy sa duyan? Sa lakas ng pag-ugoy, mahahalatang malakas ang nag-ugoy. Pero sino ‘yun? Wala namang ibang tao sa bahay kundi kami lamang ni Inay. (Itutuloy)
- Latest




















