‘Pitsel’ (Last part)
KUNG ang pitsel na binigay sa akin ng tiya ni Mark ay mahalagang gamit dahil nahukay pala ng asawa sa disyerto, baka dapat kong isauli iyon.
“Isasauli ko ang pitsel ni Tiya Elvira mo Sir Mark,’’ sabi ko.
“Aba huwag na. Ang bilin ni Tiya kapag nagbigay ng tubig sa mga nauuhaw, ilagay sa magandang pitsel at ipagkaloob na sa humihingi. Kaya sa iyo na ang pitsel na iyon. Ano nga pala ang name mo ulit?”
“Narding po Sir Mark.”
“Ingatan mo na lamang ang pitsel Narding dahil iningatan iyon ni Tiya Elvira. May paniwala si Tiya Elvira na ang mga gamit na iniingatan ay nagdadala ng suwerte. Baka malapit na ang suwerte mo, Narding. Baka bukas o makalawa ay milyonaryo ka na dahil tumama ka sa lotto.”
“Sa totoo lang Sir Mark, marami nang dumating na suwerte sa akin mula nang ingatan ko ang pitsel.”
“Talaga?”
Ikinuwento ko ang mga nakamtan kay Sir Mark.
Hindi makapaniwala si Sir Mark. Ilang saglit na hindi nakapagsalita.
“Kung ganun, tama ang mga sinabi ni Tiya Elvira na susuwertihin ang mga taong pagkakalooban niya ng pitsel. Napakasuwerte mo Narding.”
“Nagpapasalamat po ako kay Mam Elvira kung nasaan man siya ngayon. Napakabuti niya. Nabahagihan ako ng suwerte dahil sa kanya.”
“Tiyak masaya si Tiya Elvira kung nasaan man siya. Ang pinagtataka ko lang, Narding, nagpakita sa iyo si Tiya kahit patay na siya. Tiyak ko kaluluwa niya ang nakita mo at nagbigay sa iyo ng pitsel.”
“Oo nga po Sir Mark. Nagpapatunay na kahit nasa kabilang buhay na siya, mapagbigay siya sa kapwa—lalo sa katulad kong mahirap. Pangako ko na iingatan ang pitsel.”
Kinamayan ako nang mahigpit ni Sir Mark.
- Latest