‘Walis’ (Part 15)
“KAYA sana kung ano ang ginawa namin sa iyo ni Marie ay gawin mo rin sa iba, Divina tulungan mo rin lalo na ang mga inaabuso at minamaltrato,’’ sabi sa akin ni Ate Lydia.
“Opo Ate Lydia. Kung ano ang ginawa ninyo sa akin, ganundin ang gagawin ko sa iba pang minamaltrato.”
“Salamat Divina. Kailangan kasi may pakialam tayo sa nangyayari sa ating kapwa. At saka masarap talaga sa pakiramdam kapag nakatulong sa kapwa na inaabuso. Feel mo na successful ka sa buhay dahil mayroon kang nailigtas. Isa pang payo ko ay pagbutihin mo ang pag-aaral. Kapag nakatapos ka ng pag-aaral, magkakaroon ka ng magandang buhay at kung may maganda kang buhay, marami kang matutulungan.’’
“Pinagbubutihan ko po Ate Lydia. Katunayan, nasa dean’s lists ako. Ipinakita ko po kay Ate Marie ang aking mga grades.”
“Good!”
Sumabat si Ate Marie.
“Matalino si Divina, Lydia. Sabi ko nga sa kanya, huwag papagurin ang sarili sa pagtatrabaho rito sa bahay dahil hindi naman siya katulong. Ang tutukan niya ay ang pag-aaral dahil yun ang mahalaga.”
“At saka huwag ka nga palang makikipagsiyota muna. Makapaghihintay ang pakikipagrelasyon. Pero huwag mo naman kaming gagayahin ni Marie na tumandang dalaga. Huwag ka namang magbuburo, ha-ha-ha!”
Nagtawanan din kami ni Ate Marie.
“Sayang naman kung tatandang dalaga ka maganda ka pa naman,’’ sabi pa ni Ate Lydia na sinang-ayunan ni Ate Marie.
(Itutuloy)
- Latest