‘Pala’ (Part 16)
“NAGKAKAPAREHO ang story n’yo ng father ko, Juanito. Nakapulot din siya ng antigong shovel o pala at iyon ang nagbigay sa kanya ng suwerte,’’ sabi ni Mam Socorro na nagpamangha sa akin.
“Alam mo bang yumaman ang father ko? Nagkaroon siya ng rice mill at nag-iisang copra dealer sa probinsiya. Bukod dun, siya rin ang kauna-unahang may pagawaan ng banana chips sa probinsiya. May malawak siyang taniman ng saging at niyog. Lahat ng mga nangyaring suwerte sa kanyang buhay ay dahil sa napulot niyang U.S. Army shovel.
“Sa kanilang probinsiya kasi naglanding ang maraming Amerikanong sundalo noong World War II. Nang mapalaya raw ang Pilipinas noong 1945 ay maraming Amerikanong sundalo ang naging mabait sa mga civilian at kung anu-anong gamit nila ang pinamimigay gaya ng metal na lalagyan ng tubig, shovel at maski raw helmet. Siguro raw dahil sa katuwaan ng mga Amerikano at tapos na ang giyera ay pinamimigay ang gamit.
“Pinakamarami raw na pinamudmod ay shovel o pala. Ito yung maikling pala na tiklupin na laging nasa likod ng sundalo. Sabi ng aking father, 10 years old na siya noong panahon ng Hapon.
“Isang tanghali raw na tatawid siya sa sapa, mayroon siyang nakita sa pampang na na shovel. Palibhasa’y bata pa siya, natakot at baka kung ano yun. Nagmatyag daw siya sa paligid at baka naroon ang taong may-ari. Wala raw.
“Nilapitan niya ang shovel. Pinagmasdan. Hula raw niya ay matagal nang naroon sa pampang ang shovel dahil may mga damo na tumubo sa tabi nito.
“Nang wala pa ring tao na umaangkin sa shovel, dinampot niya at dinala pauwi ng bahay.” (Itutuloy)
- Latest