Cool Smashers puro na sa semis

MANILA, Philippines — Pumalo si Alysa Valdez ng 16 points para igiya ang nagdedepensang Creamline sa 25-10, 27-25, 25-21 pagwalis sa Chery Tiggo sa Game One ng kanilang 2024-25 PVL All-Filipino Conference quarterfinals series kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Nagdagdag din ang team captain ng 13 execellent digs at 9 excellent receptions para sa 1-0 abante ng Cool Smashers sa kanilang best-of-three duel ng Crossovers.
Nagdagdag si Tots Carlos ng 13 points at may 11 at 10 markers sina middle blockers Bea de Leon at Pangs Panaga, ayon sa pagkakasunod.
Ito rin ang ika-100 panalo ni Sherwin Meneses bilang PVL head coach matapos simulang gabayan ang tropa noong 2022 Open Conference.
“Ayun masaya at na-achieve ‘yung 100 (wins) pero sana mas marami pang panalo na dumating, especially this season, this conference na madagdagan ‘yung panalo pa , especially sa mga next games namin,” wika ni Meneses.
Binanderahan ni Shaya Adorador ang Crossovers sa kanyang 10 points.
Maaari nang kumpletuhin ng Creamline ang two-game sweep sa Chery Tiggo sa Game Two sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City papasok sa semifinals.
“The job is not yet done, we need to work harder and hopefully we can prepare for Game Two,” sabi ni Valdez.
Kinuha ng Crossovers ang 23-20 kalamangan sa second set.
Isang 7-2 atake ang pinamunuan ni Valdez para ibigay sa Cool Smashers ang 27-25 panalo at ilista ang 2-0 bentahe sa laro.
Sa third set ay nangibabaw ang eksperyensa ng Creamline.
- Latest