HINDI sana matabunan ng pag-aresto kay dating President Rodrigo Duterte ang isyu ukol sa infrastructure projects ng gobyerno na nababahiran ng korapsiyon. Gaya ng bumagsak na tulay sa Isabela na lubhang mahalaga sapagkat ginagamit ito nang maraming motorista at nagta-transport ng produkto. Nararapat maimbestigahan at kumpunihin sa lalong madaling panahon. Babagal ang pagbibigay ng serbisyo kung hindi aayusin ang tulay pero dapat ding malaman ang katotohanan kung bakit ito bumagsak gayung kasasailalim lamang sa pagsasaayos at binuksan noong Disyembre 2024.
Bumagsak ang Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong Marso 4. Dinalaw ito ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Marso 6. Nang makita ni Marcos ang bumagsak na bahagi ng tulay, sinabi niyang may design flaw. Mahina aniya ang desenyo ng tulay kaya bumagsak. Sabi pa ni Marcos, ngayon lang daw siya nakakita ng suspension bridge na walang cable.
Ayon pa sa Presidente, nasa P1.8 bilyon ang halaga ng proyekto pero naibaba ito at hindi na umabot sa P1-bilyon. Ang project cost daw talaga ng tulay ay P1.8 billion pero binawasan hanggang naging P1-bilyon para makamura. Dun daw ginawa ang design na napakahina. Ayon pa kay Marcos, napunta sa wala ang halagang nabawas sa pagpapagawa ng tulay. Kailangan daw gumastos muli ang gobyerno para maisaayos hanggang sa ito na nga ang kinahantungan—bumagsak!
Pero ang mga sinabi ng Presidente ay taliwas naman sa sinabi ng nag-design ng tulay. Wala raw mali sa desenyo nito sapagkat naaayon iyon sa specifications na tinakda ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang tulay umano ay may minimum load limit na 27 tons para sa 10-wheeler trucks na naaayon sa specifications para sa bridge code.
Bumagsak ang tulay nang dumaan ang isang truck na may kargang bato. Ayon sa DPWH ang truck ay may bigat na 102 tonelada. Bago ang pagbagsak, dalawang truck ang naunang dumaan na may karga ring mga bato. Nang dumaan ang ikatlong truck saka lamang bumagsak.
Hanggang ngayon, wala pang resulta ang imbestigasyon kung sino ang may kasalanan sa pagbagsak ng tulay. Sabi ng Presidente, may “gugulong na ulo”. Hindi raw titigil hangga’t hindi napapanagot ang may kasalanan.
Kung hindi desenyo ang dahilan kaya bumagsak ang tulay, ano ang maaaring isipin sa pagbagsak. Ano ang nangyayari sa mga tinipid na construction ng gobyerno?
Malinaw na sinabi ni Marcos na binawasan ang pondo sa tulay para makatipid. Maaring iyon ang dahilan. Para makatipid, manipis na bakal ang ginamit. Kapag tinipid ang tulay, kalsada o gusali, tiyak na guguho. Saan naman napunta ang tinipid na pera? Sa bulsa ng mga tiwali?