Ang kultura ng korapsyon
MAY mga nagsasabi na may depektibo tayong karakter kung kaya’t ang mga bagay na hindi maganda at karapat-dapat ay tinatanggap nating bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay, bahagi na ng ating kultura, naging kalakaran na at siya ng tinatanggap nating normal at natural.
Pag-usapan natin ang pinakamalala—ang korapsyon. Itinuturing nang marami na ang korapsyon sa Pilipinas ay isa ng kultura, ito na ang kalakaran, lalo na sa mga opisina ng gobyerno.
Noon, kakaunti lamang ang korap, mas marami ang matino. Ngayon, sinasabing kakaunti na lang ang matino, mas marami ang korap. Noon, ang mga nais maglingkod ay pumapasok sa gobyerno. Ngayon, ang mga nais yumaman ay pumapasok sa gobyerno. Noon, kapag may proyektong pambayan, ang itinatanong ng mga opisyales ay ito, “Ano ang mapapakinabang ng bayan d’yan?” Ngayon, ito na raw ang itinatanong, “Ano ang mapapakinabang ko d’yan?”
May malaking kaugnayan ang kahirapan at korapsyon. Ang mga bansang halos walang korapsyon ay mga bansang maunlad, tulad ng Denmark, Finland, Singapore, New Zealand, Luxembourg, Norway, Switzerland, at Sweden.
Ang mga bansang talamak ang korapsyon ay mga bansang mahirap, tulad ng Sudan, Somalia, Syria, Libya, Nicaragua, Afghanistan, Angola, at Laos. Nakalulungkot na kabilang ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang ito.
Hindi mapapabulaanan na talamak sa atin ang panunuhol, pagnanakaw sa kaban ng bayan, paglilipat ng pondo ng gobyerno, paglalagay sa matataas na puwesto sa gobyerno sa pamamagitan ng palakasan, at marami pang katiwalian na malayang nagagawa.
Wala pa akong nalalamang naakusahan at naipakulong na “malaking isda,” wika nga. Ang napaparusahan ay pawang maliliit na isda. Kapag ang ninakaw ay libu-libo lang, napaparusahan. Kapag ang ninakaw ay bilyun-bilyon, nakalulusot at nananalo pa sa eleksyon.
Habang tayo’y korap, mananatili tayong mahirap, kahit ano pang gimik ang gawin ng gobyerno na maakit ang mga lokal at dayuhang mamumuhunan.
Sa kabila ng talamak na korapsyon, tila walang seryoso at malawakang kampanya ang kasalukuyang administrasyon na wakasan ito, kundi man mabawasan. Tila wala ito sa listahan ng prayoridad.
Samantala, lalong pinapayaman ng korapsyon ang mga korap, samantalang lalong pinahihirap ang mahihirap.
Hindi na ba tayo makaaahon sa kumunoy ng korapsyon? Tatanggapin na lamang ba natin na wala na tayong magagawa, sapagkat ang korapsyon ay kultura na sa atin?
Hindi totoong wala tayong magagawa. May magagawa tayo, kahit unti-unti lang, basta tuluy-tuloy. May magagawa tayo, pero kailangang simulan na natin. At kailangang sa iyo magsimula ang lahat.
Kailangang talikuran mo ang pagka-makasarili. Sa halip, sikapin mong sumaiyo ang mga sumusunoed na katangian: maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasan, maka-bayan.
Ang kasunod na hakbang—iboto mo ang mga kandidatong maka-Diyos, makatao, makakalikasan, makabayan. Kahit may “singaw” lang ng korapsyon, huwag mong iboboto kung nais mong magkaroon ng totoong bagong Pilipinas, isang Pilipinas na makikipagsabayan sa mga bansang halos walang korapsyon.
Magandang sundin ang tagubilin ni Pablo sa Filipos 4:8, “Sa kahuli-hulihan mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puti, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.”
- Latest