Jay Ruiz at Atty. Claire Castro, maka-survive kaya?
MAGKASABAY na pinanumpa ni President Bongbong Marcos sina Jay Ruiz bilang Secretary of Presidential Communications Office at Atty. Claire Castro bilang undersecretary.
Kapwa sanay na sina Ruiz at Castro sa mundo ng masalimuot na pagbabalita bilang broadcast journalists, pero ngayon lamang masusubukan ang abilidad ng dalawa sa pangangalaga sa reputasyon ng Office of the President at pagsalungat sa kalabang puwersa ng mga political social media vloggers ng gobyerno.
Pang-apat na si Ruiz na naging pinuno ng PCO. Una si Atty. Trixie Cruz na ngayon ay mahigpit na kritiko ng Malacañang at nasa kampo ng Duterte Diehard Supporters (DDS); pangalawa si Cheloy Garafil at pangatlo si Cesar Chavez.
Mabigat na trabaho ang nakaatang sa balikat nina Ruiz at Castro, lalo pa ngayon na pinuputakti ng intriga si PBBM dahil sa bintang ng hindi wastong areglo sa pondo ng bayan. Si dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang isa sa malupit na tirador ngayon ng DDS-PDP laban sa gobyerno ni PBBM. Desperado ba talaga?
Masalimuot ang naging kapalaran nina Rodriguez at Cruz sa panunungkulan sa Malacañang. Kung may kinalaman sa anumang madilim o makulay na transaksiyon ay sila lamang ang nakaaalam. Alam din malamang ni Super Lolo Johnny, he-he!
Kilalang komentarista at vlogger si Castro at madalas na sinasalungat nito ang mga “fake news” na ibinabato ng mga kalaban ng gobyerno ni PBBM sa programa nito sa radyo at social media. Premyado na si Atorni. Ingat din ‘pag may time!
Marami pang nakaimbak na negatibong usapin sa loob at labas ng Malacañang Palace ang haharapin nina Ruiz at Castro. Kung papaano sasalungatin ito ng dalawa ay kaabang-abang.
Sana naman ay hindi sila ang salungatin ng maimpluwensiyang makakasama nila sa Palasyo. ‘Yun lang at Siya nawa!
- Latest