‘Labaha’ (Part 9)
SA aming salas ay may antigong cabinet na narra na pinaglalagyan ng mga pinggan, kutsilyo, kutsara, tinidor, tasa, mangkok at iba pang mga lumang gamit. Minana pa ni Itay ang cabinet sa aking mga lolo at lola.
Sa ibabaw ng cabinet inilalagay ni Tiyo Nonoy ang labaha na ginamit sa akin. Kapag umuuwi siya sa hapon pagkatapos maggupit ay doon niya ipinapatong ang mga gamit sa paggugupit. Nasa isang leather na lalagyan ang mga gamit.
Maraming beses kong sinigurado na doon nga niya sa ibabaw ng cabinet inilalagay ang mga gamit.
Isang gabi na tulog na ang lahat, dahan-dahan akong bumangon at lumabas ng kuwarto. Tinungo ko ang salas. Madilim sa salas. Hindi ko maaninag ang cabinet na kinapapatungan ng leather bag na kinaroroonan ng labaha.
Kung bubuksan ko ang ilaw sa salas ay baka may magising. Baka bumangon si Inay o si Tiyo Nonoy.
Bumalik ako sa kuwarto at naghanap ng kandila. Nakakuha ako ng mauupod na kandila sa altar. Sinindihan ko at nagbalik ako sa salas.
Inilawan ko ang ibabaw ng cabinet.
Nakita ko ang leather na bag.
Binuksan ko.
Nakita ko ang gunting at suklay. Wala ang labaha na target kong kukunin!
Ibinukas ko nang todo ang leather bag. Wala talaga!
Balak ko nang ilabas lahat ang laman ng leather bag pero may narinig akong nagbukas ng pinto.
Ibinalik ko ang leather bag sa kinalalagyan at pinatay ko ang kandila. (Itutuloy)
- Latest
















