Maling prayoridad
ISA sa nakita kong malaking problema sa pamamahala ng ating gobyerno ay ang maling prayoridad. Hindi tama ang mga bagay na pinag-uukulan ng panahon at pinagkakagastusan ng pondo.
Ang kamaliang ito’y sumisira hindi lamang sa ating kasalukuyan, kundi higit sa lahat, sa ating kinabukasan. Darating ang panahon na baka ang lahat ng magaganda ay makikita na lamang natin sa litrato.
Isa sa buhay na halimbawa ay ang sistema ng ating edukasyon. Habang tumatagal ay pasama nang pasama, sa halip na pabuti nang pabuti. Ang pamantayan ay sinusukat sa kalidad ng edukasyon sa pampublikong eskwelahan.
Sa puntong ito, kulelat tayo sa Asya. Sadsad ang kaalaman ng ating mga estudyante sa science at mathematics, at maging sa pagkaunawa sa mga simpleng konsepto, kumpara sa iba pang mag-aaral sa Asya.
Ayon sa mga pagsusuri, ang mga konseptong dapat ay alam na alam na ng isang mag-aaral sa grade 4 ay hindi pa rin maunawaan ng isang mag-aaral na nasa grade 8 na. Ibig sabihin, huli ng apat na taon.
Lahat ng iyan ay resulta ng kapabayaan ng gobyerno dahil sa maling prioridad. Ano ang maaaring asahan sa harap ng sumusunod na katotohanan: Kulang na kulang tayo sa maayos na classrooms. Mahigit sa 1,500 classrooms ang walang kuryente at 1,000 ang walang toilet.
Nagsisiksikan sa isang maliit at mainit na classroom ang 45 estudyante na tinuturuan ng isang pagod at naiinitang titser. Tapos, aasahan mo na matututong mabuti ang mga estudyanteng ito? Asa ka pa, wika nga ng millennials.
Aabutin daw ng 20 taon bago tayo makapagtayo ng sapat na classrooms para sa mga estudyanteng Pinoy. Bakit ganoon katagal?
Kasi nga, hindi ito prayoridad, samantalang kapag ang pinag-uusapan ay pork barrel o intelligence o confidential funds, bilyun-bilyon ang usapan. Ayon sa ating Konstitusyon, ang edukasyon ang dapat paglaanan nang pinakamalaking pondo.
Pero sa inaprubahang 2025 budget ng gobyerno, ang pinakamalaking pondo ay mapupunta sa Department of Public Works and Highway. Totoo ba ang obserbasyon na ngayon ang pangunahing konsiderasyon sa pag-aapruba ng proyekto ay kung pakikinabangan ito ng mga nasa poder? Sana naman ay hindi!
Totoo ba na mas mahalaga sa ating mga mambabatas ang magandang kalye, kaysa malusog na utak ng mga kabataang Pilipino? Sana naman ay hindi!
May mga kumukuwestiyon sa legalidad ng pambansang budget dahil nga hindi ang edukasyon ang prioridad at dahil sa mga blank items—ano kaya ang isisingit sa mga blankong iyon?
Ang mas nakararaming produkto ng eskwelahang pampubliko ay hindi naihanda para matanggap sa magagandang trabaho o makapagpasimula nang maayos na negosyo.
Lagi silang debado sa kumpitisyon mula sa mga estudyanteng nagtapos sa mga pribadong eskwelahan. Maging sa ibang bansa, lumilipas na ang panahon na Pilipino ang hinahanap dahil sa talino’t galing.
Dahil sa mababang kalidad ng edukasyon, marami sa ating mga kabataan ay umaasa na lamang sa suwerte at tsansa, walang mataas na pangarap, kung kaya’t sila’y mahahanay sa mga pulubi.
Ang pulubi’y hindi naman ‘yong taong walang kapera-pera. Ang pulubi’y ‘yung taong walang kapanga-pangarap.
Ito sana ang maging tatak ng ipinagmamalaki ng kasalukuyang administration na bagong Pilipinas, ang pagkakaroon ng tamang prioridad na ang isasaalang-alang ay ang kapakanan ng ating mga kabataan na pag-asa ng bukas.
- Latest