Mayang (101)
KINABAHAN si Mayang nang mapansin na may baril ang lalaki. Kinutuban siya na baka magsasagawa ng pagnanakaw sa palengke ng Pinamalayan lalo pa’t dalawa ang money changer sa loob nito. Meron ding padalahan ng pera at isang banko. Sa itsura ng lalaki ay parang hindi gagawa ng mabuti.
Pero baka naman pulis ang lalaki at merong sinu-surveillance. Pero kung pulis, dapat nakikipag-coordinate sa iba pang law enforcers. Baka magkabarilan at may matamaang sibilyan.
Ilang beses pang nakita ni Mayang na nagdaan sa tapat ng stall niya ang lalaki.
Hindi na nakatiis si Mayang at sinabi ang napapansin niyang lalaki sa tindera sa katabing stall.
“Mars, napapansin mo ba yung lalaking ilang beses nang dumadaan dito sa tindahan natin?’’
“Anong lalaki, Mayang?’”
“Lalaking naka-diyaket na parang pulis kung maglakad at nag-oobserba rito?’’
“Hindi ko napapansin, Mayang. Busy kasi ako sa mga bagong dating kong paninda.”
“Akala ko, napapansin mo. Ilang beses nang dumaan. Pabalik-balik na parang pinag-aaralan ang pasikut-sikot sa palengke.”
“Naku baka holdaper!’’
“Tapos napansin ko na may nakabukol sa tagiliran—parang baril!’’
“Diyos ko! Isumbong na kaya natin sa barangay?”
“Pero nag-aalala naman ako na baka pulis dahil may baril.”
“Pero kung pulis yun dapat kilala natin di ba?”
“Oo nga ano?’’
“Palagay ko may gagawing pagnanakaw dito sa palengke.’’
“Dapat sabihin na natin sa administrator ng palengke.”
“Sige Mayang, puntahan natin ang admin.’’
Habang nag-uusap sina Mayang at ang kasamahang tindera, may dalawang lalaking papalapit sa kanila.
Nakilala ni Mayang ang isa sa mga lalaki—yun ang madalas na magdaan sa stall.
“Mars yung isa sa papalapit na lalaki yun ang sinasabi ko sa’yo.”
“Anong gagawin natin?’’
(Itutuloy)
- Latest