DALAWANG Britons ang nakapagtala ng Guinness World Record para sa pinakamalaking donasyon ng buhok sa kasaysayan, na layuning makatulong sa mga batang may cancer.
Si Ruth Tripp, 38, ay nakapagtala ng record para sa pinakamahabang donasyon ng buhok ng isang babae matapos siyang magbigay ng 5 feet and 7 inches ng buhok sa The Little Princess Trust noong September 2024.
Samantala, si Jack Drever, 37, ang nagtala nang pinakamahabang donasyon ng buhok ng isang lalaki nang magbigay siya ng 2 feet and 11 inches ng buhok sa parehong organisasyon noong December.
Ang The Little Princess Trust ay isang charity na gumagawa ng mga wig mula sa donasyong buhok para sa mga batang sumasailalim sa chemo therapy.
Si Tripp, na matagal nang nagpapahaba ng buhok, ay nagdesisyong mag-donate bilang paraan ng pagtulong. Inabot ng mahabang panahon ang paghahanda para sa donasyon, kung saan pinanatili niyang malusog at mahaba ang kanyang buhok bago ito gupitin.
Si Drever naman ay pitong taon nang nagpapahaba ng buhok bago magdesisyon na gawing makabuluhan ang pagbabagong ito sa kanyang hitsura. Layunin niyang magbigay nang pinakamahabang donasyon at sabay na itaas ang kamalayan para sa charity.
Ang kanilang mga donasyon ay hindi lamang nakatulong sa mga batang nangangailangan ng peluka kundi nagsilbi ring inspirasyon para sa iba na gumawa ng ganitong uri ng kabutihan.