Pagkontrol sa dila

MARAMING nagsasabi na ang ginawang pagbabanta ni Bise Presidente Sara Duterte sa buhay ng Presidente, First Lady, at House Speaker, sa harap ng mga kamera ng media, ay isang kaso ng kawalan ng disiplina sa pagpipigil sa sarili, lalo na sa pagkontrol sa dila. Idinugtong pa ni Sara na hindi ito biro, dalawang beses niya itong seryosong pinagdiinan. At mukhang hindi nga siya nagbibiro.

Ngayon, dahil sa kawalan ng kakayahan na kontrolin ang dila, nahaharap ang Bise Presidente sa katakut-takot na problema, isa na rito ang posibleng pagkatanggal sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment. Naalala ko noong panahon ng aking kabataan sa Tundo, normal na marinig sa mga batang kalye sa tuwing sila’y nag-aaway ang pagmumurahan at pagbabantaan ng patayan. Pero ito’y mula sa mga batang kalye, sa mga tinatawag noon na mga yagit ng lipunan; hindi mula sa Bise Presidente, ang pangalawang pinakamataas na lider ng bansa, na kung tawagin natin ay lubos na kagalang-galang.

Tila ito ang mabilis na nawawala sa matataas nating lider, ang pagkontrol sa sarili at disiplina sa sariling dila.  Sa Biblia, ang pagkontrol sa sarili ang pundasyon ng tinatawag na bunga ng Espiritu. Ganito ang wika sa Galacia 5:22, “Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili.”

Kapag nawala ang pagpipigil sa sarili, lahat ng nabanggit na bunga ng Espiritu ay mawawala at mabubulok. Napakahalaga ng pagpipigil sa sarili sa tinatawag na self-management, ang pundasyon ng lahat ng uri ng pamamahala. Kapag hindi kayang pamahalaan ng isang tao ang kanyang sarili, wala na siyang pwedeng mapamahalaan pa.

Itinuturing ng Biblia ang dila ng tao na lubhang mapanganib. Ganito ang wika sa Santiago 3:6, “Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao.” Kapag hindi natutuhan ng isang tao na kontrolin ang kanyang dila, lilikha siya ng sunog na magpapahamak sa kanya at sa iba. Kapag nagmula ang sunog sa isang mataas na lider, ang buong bansa ang natutupok.

Lumikha si Bise Presidente ng pambansang sunog dahil sa kawalan ng kontrol sa sarili.  Ngayon, kaya pa ba niyang kontrolin ang sunog? Tila mahihirapan na siya. Pinatutunayan sa atin ng mga pangyayaring ito na ang pagkontrol sa sarili, lalo na sa dila, ay isang napakahalagang aspeto ng pamamahala. Mawawalan ng kwenta ang kagalingan ng isang lider sa pamamahala kung hindi niya epektibong mapamamahalaan ang kanyang sarili. Wika ng Chinese philosopher na si Lao Tzu, “Ang kakayahang makontrol ang iba ay kalakasan. Ang kakayahang makontrol ang sarili ay tunay na kapangyarihan.” Ang unang ebidensya ng pagkontrol sa sarili ay ang pagkontrol sa dila.

Ang mga sastre ay may batas na ganito, “dalawang beses na sukatin, isang beses na gupitin.” Gayundin naman, isipin muna ng dalawang beses o higit pa bago magbitiw ng pananalita. Anumang salitang ating bibitiwan ay parang mga balahibo ng manok na pinakawalan sa hangin, mahirap nang puluting isa-isa ang mga ito.

Maganda ang paalala ng Kawikaan 10:19, “Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala, ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala.” 

Show comments