Dear Attorney,
Legal po ba ang mag-extend ng oras sa kadahilanan na hindi pa tapos ang trabaho? Paano po kung hindi naman kami bayaran ng overtime? May mga nakapagsabi kasi sa akin na hindi pa raw bayad ang kanilang inobertaym noong nakaraang taon pa. — Arnold
Dear Arnold,
Puwedeng i-require ng employer ang kanyang mga empleyado na mag-overtime kapag may mga emergency na katulad ng (1) digmaan o national emergency; (2) lokal na kalamidad kung saan kailangan ang pag o-overtime ng mga empleyado upang maisalba ang buhay ng mga tao, maiwasan ang pinsala sa mga ari-arian, at upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko; (3) mga pagkakataon na kailangan ng agarang pagkukumpuni sa mga makinarya at iba pang mga kagamitan upang maiwasan ang malubhang pagkalugi ng employer; (4) mga pagkakataon na kailangan ang overtime upang maiwasan ang pagkasira ng mga perishable goods; at (5) mga pagkakataon na kailangang tapusin ang trabahong nasimulan na sa ika-walong oras ng trabaho upang maiwasan ang perhuwisyo sa negosyo o operations ng employer.
Ayon sa iyo ay pinag-e-extend kayo ng oras dahil hindi pa tapos ang trabaho. Maari itong pumasok sa ika-limang dahilan ng pag-o-overtime na nabanggit ko kaya bilang empleyado ay kailangan niyong sundin ito.
Gayunpaman, kaakibat ng tungkulin n’yong sumunod sa utos na mag-overtime ay ang obligasyon ng employer na bayaran kayo para sa oras na inyong in-extend sa pagtratrabaho. Kailangan din na siguraduhin n’yong tama ang inyong matatanggap na sahod dahil may hiwalay na komputasyon ang overtime pay.
Ang maipapayo ko, sumunod kayo sa utos na kayo’y mag-overtime dahil maari kayong patawan ng parusa o matanggal sa trabaho para sa insubordination kung hindi kayo susunod. Kung sakaling hindi kayo bayaran o kaya’y hindi kayo bayaran ng tamang halaga ay saka n’yo na sampahan ng reklamo ang inyong employer upang maobliga itong magpasahod nang tama.