NAANTALA ang biyahe ng isang eroplano sa Portugal matapos makatakas ang 132 hamsters mula sa kanilang mga kahon sa cargo hold.
Ang insidente ay naganap sa isang flight ng TAP Air Portugal mula Lisbon patungong Ponta Delgada Airport.
Bukod sa mga pasahero, nagdadala rin ang eroplano ng iba’t ibang alagang hayop, kabilang ang mga hamster, ferret, at ibon na dadalhin sa isang pet store.
Ngunit nang makarating ang eroplano sa Ponta Delgada, natuklasan ng mga airport staff na ang mga hamster ay nakawala at gumala sa cargo hold ng Airbus A320.
Dahil posibleng ngatngatin ng mga hamster ang mga electrical wire ng eroplano, napagdesisyunan ng mga opisyal na i-ground ang eroplano sa paliparan para sa kaligtasan.
Umabot ng apat na araw ang ginugol ng mga staff upang hanapin at hulihin ang mga nakatakas na hamsters.
Matapos ang maingat na inspeksyon at paglilinis, nakabalik sa Lisbon ang eroplano.