“ANONG kondisyon, Jeff?’’ tanong muli ni Puri na nananabik.
“Ibibigay ko sa iyo ang ATM ko pero sabihin mo sa akin kung saan makikita si Mayang.’’
Nag-isip si Puri.
Napakunot ang noo.
“Bakit kailangan mo pang malaman ang kinaroroonan ni Mayang e niloko ka na nga niya—pinalitan ka na niya. Para ano pa at kailangan mo siyang makita? Masasaktan ka lang Jeff. Mas masakit ang madarama mo kapag nakita mong may ibang lalaki na si Mayang.’’
Hindi sumagot si Jeff. Mukhang lalansihin siya ni Puri. Gunagawa ng paraan si Puri para makuha ang ATM na hindi na kailangang sabihin ang kinaroroonan ni Mayang.
Naisip ni Jeff na kailangang makipaglaro siya nang husto kay Puri. At kailangang paghusayan niya ang pag-arte para hindi ito makahalata.
Dinampot ni Jeff ang bote ng alak at nagsalin.
“Baka malasing ka, Jeff.’’
“Maglalasing na lang ako. Pero huwag kang mag-alala, kahit malasing ako, ipagkakaloob ko pa rin sa’yo ang pera ko kahit ayaw mong sabihin ang kinaroroonan ni Mayang.’’
Nag-isip si Puri.
Nagbuntunghininga.
Tinungga naman ni Jeff ang alak. Pero hindi inubos. Ayaw niyang malasing. Aarte lang siya na kunwari ay lasing.
Napansin niyang hindi mapakali si Puri.
Nagkunwari si Jeff na nahihilo na.
Tumayo si Puri. May tatawagan sa CP.
(Itutuloy)