Dear Attorney,
Kailangan po ba na nakapirma na ang lahat ng partido bago magpa-notarize? O puwede po ba na ipanotaryo na muna tapos saka na lang pipirma ‘yung ibang nakapangalan sa kontrata? Pauwi lang po kasi ng Pilipinas ang ibang nakalagay doon sa kontrata. — Ashley
Dear Ashley,
Nakasaad po sa 2004 Rules on Notarial Practice na kailangang humarap sa notary public ang mismong nakapirma sa dokumento. Ang layunin po kasi ng pagpapanotaryo ay ang pagsumpa ng gumawa ng dokumento sa mga nilalaman nito sa harap ng notary public at ang paninigurado naman ng notary public na humarap sa kanya ang mismong nakapirma sa dokumento at kusang-loob silang pinirmahan ito.
Kaya hindi po puwede ang sinasabi mong ipanonotaryo muna ang dokumento at pagkatapos ay saka na lang pipirma ang mga nakapangalan doon.
Kung iyon ngang mga nagnotaryo ng dokumento kahit na hindi humarap sa kanya ang mga pumirma nito ay naharap sa reklamo, mas lalo na pong malalagay sa alanganin iyong mga magnonotaryo ng dokumentong kulang-kulang ang pirma.
Hindi rin mainam ang iyong balak dahil kahit pa tanggapin ng notaryo ang iyong dokumento ay magkakaroon pa rin ng kuwestiyon sa validity o bisa hindi lamang sa notarization ng dokumento, kundi pati na rin sa mismong nilalaman nito dahil sa kakulangan ng pirma.
Kaya mas mabuti kung magpanotaryo ka na lamang kapag kumpleto na ang pirma sa dokumento at handa na kayong lahat humarap sa abogado upang patunayan ang mga nilalaman nito.