Dear Attorney,
May karapatan po bang mag-file ng resignation kahit may violation ang empleyado sa company? —Ren
Dear Ren,
Ang resignation ay ang boluntaryong pag-alis ng empleyado sa trabaho. Dahil boluntaryo, maari niya itong gawin ano man ang kanyang dahilan dahil hindi naman puwede ang involuntary servitude o pagpilit sa sinuman na magtrabaho nang labag sa kanilang kalooban
Kaya sa tanong mo, puwedeng mag-resign ang isang empleyado kahit na may violation siya sa kompanya basta’t sumunod siya sa terms ng kanyang employment contract katulad ng pag-render ng tamang notice period o ng pagsunod sa kanyang employment bond, bilang mga halimbawa.
Ngunit hindi naman ibig sabihin na nakapag-resign ang empleyado ay ligtas na siya sa mga bunga ng kanyang naging violation sa kompanya. Kahit hindi na siya empleyado ay maari pa rin siyang i-demanda ng civil o criminal case ng kanyang dating employer kung may sapat na pruweba para rito.
Tandaan na ang tinatapos lamang ng resignation ay ang employee-employer relationship. Kailangan pa rin panagutan ng nag-resign na empleyado at ng kanyang dating employer ang mga natitirang obligasyon nila sa isa’t isa, kung mayroon man.