HINDI maganda ang kautusan ng Land Tranportation Office (LTO) na pagsuspende sa registration ng e-bikes at electric tricycles. Habang pinatatagal ang suspension ng registration ng e-bikes at iba pang electric vehicles, lalong dumarami ang mga sasakyang ito sa kalsada. Sa kasalukuyan, dahil suspendido ang registration, puwedeng tumawid sa kung saan-saang pangunahing kalsada ang mga e-bikes at iba pa. At sa ginagawang ito, nakasakmal ang malagim na aksidente sa e-bike users. Posibleng sa pagtawid o pag-cross sa malaking kalsada, mabundol ng malalaking sasakyan gaya ng bus o kaya’y truck. Ano ang laban nang maliit na e-bike sa dambuhalang sasakyan sa kalsada.
Noong Abril 15, 2024, naglabas ng Administrative Order 2021-039 ang LTO sa mga hindi rehistradong e-bike at iba pang electric vehicles. Nakasaad sa AO na ang mga hindi rehistradong electric vehicles na dumadaan sa mga pampublikong kalsada ay dapat ma-impound. Subalit nagbigay ng kautusan si President Ferdinand Marcos Jr. noong Abril 18 na bigyan ng sapat na pagkakataon ang e-bike users bago patawan ng parusa ang mga ito.
Anim na buwan na ang nakaraan mula nang magbigay ng direktiba ang Presidente pero hanggang ngayon, patuloy pa ring suspendido ang e-bike registration. Hindi pa ba sapat ang anim na buwan na pagbibigay ng pagkakataon sa e-bike users? Palagay ko sobra-sobra na ang pagbibigay sa e-bike users. Dapat iparehistro na ang e-bikes sapagkat para rin ito sa kapakanan ng may-ari.
Sa kasalukuyan, dahil suspendido ang e-bike registration, walang patumangga kung gamitin sa paghahatid ng estudyante sa school, pandeliber ng online order, panghakot ng paninda at iba pa.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 556 e-bike accident sa National Capital Region. May mga nangyaring aksidente ngayong 2024 pero wala pang opisyal na report.
Hanggang kailan pa sususpendihin ang e-bike registration? Habang pinatatagal nang pinatatagal o pinalalawig ang registration ng e-bike, parami nang parami ang naglipana sa kalye at parami rin nang parami ang aksidente.
Hindi dapat ilapit ng LTO ang e-bike users sa malalagim na aksidente. Hindi makatutulong ang urung-sulong na registration.