Mayang (3)
HABANG naglalakad sa mabatong kalsada na napapaligiran nang maraming puno, kinakabahan si Jefferson. Baka kung ano ang gawin ni Mayang sa kanya. Pagkalipas ng pitong taon, ngayon lamang siya nagpakita. Ni hindi siya tumawag o nag-text. Nag-try naman siyang tumawag kay Mayang noong nasa New Zealand siya pero hindi ito makontak. Nagpalit na yata ng numero. Hindi naman niya masulatan dahil hindi niya alam ang address.
Pero sa lahat nang nangyari, sinisisi niya ang sarili. Hindi siya gumawa ng paraan para magkaroon sila ng komunikasyon ni Mayang. Siya ang may kasalanan ng lahat nang paghihiwalay nila.
Kaya ngayon ay narito siya sa lugar nina Mayang para humingi ng tawad at buuin muli ang nakaraan.
Ito ang ikalawang beses na pagtungo niya rito. Hindi niya nalilimutan na mula sa highway na binabaan niya ng bus ay maglalakad siya sa kalsadang mabato. Mga 15 minutong paglalakad at makikita na ang bahay nina Mayang.
Eksaktong 15 minutong paglalakad ay nakita niya ang bahay nina Mayang. Ganun pa rin ang itsura. Sawali ang dingding at kugon ang bubong. May mga halamang namumulaklak sa paligid.
Tinungo niya ang bahay.
Nang nasa harap na, tumawag siya.
“Tao po! Tao po!’’
(Itutuloy)
- Latest