‘Hikaw’(Part 2)

NAKILALA ko ang aking naging asawa nang minsang magbakasyon ako sa Pinas. ­Palibhasa ay marami akong pera kaya madalas akong maglibre sa aking mga kaibigan. Lagi kaming laman ng beerhouse. Ako ang taya. Tuwang-tuwa naman ang mga kaibigan ko—libre kasi. Madaling araw na kami kung umuuwi.

Sa isang beerhouse ko nakilala ang aking naging asawa—si Melba. Maganda siya. Naakit agad ako. Para bang nagayuma ako. Ilang beses kong binalikan sa beerhouse.

Hanggang sa nagpakasal kami sa huwes.

Tutol ang mga kapatid kong babae.

“Kuya, nagpakatandang binata ka tapos ganyang babae ang pinakasalan mo?’’ sabi ng isa kong kapatid.

“Oo nga Kuya. Parang hindi yata bagay dahil may pinag-aralan ka naman.’’

“Baka lokohin ka lang niyan, Kuya.’’

Pero kahit ano pa ang sabihin nila, wala akong narinig. Mahal ko si Melba. At walang makakapigil sa akin.

Nang magbalik ako sa Saudi ay labis akong nalungkot dahil naalala ko si Melba.

Panay ang sulat ko sa kanya. Wala pang cell phone noon at pawang sulat lang ang paraan ng komunikasyon.

Minsang sumulat si Melba, sinabi na gusto raw niya ng hikaw. Ibili ko raw siya ng hikaw.

Agad kong binili si Melba. Mamahalin!

(Itutuloy)

Show comments