TUMIGIL ako sa mismong spot na kinakitaan ko kahapon sa matandang babae na binigyan ko ng pandesal. Hindi ako maaring magkamali na dito siya nakaupo. Tandang-tanda ko pa dahil ang laylayan ng kanyang saya ay nakaladlad sa bangketa.
Naisip ko, siguro ay pinagbawalan na ng mga kaanak nito na lumabas sa kanilang bahay dahil matanda na. Sa tantiya ko, malapit nang mag-90-anyos ang matanda. Naalala ko rin na nang iabot ko ang dalawang pandesal, nangislap ang kanyang mga mata dahil sa katuwaan. Para bang paborito niya ang pandesal. Kitang-kita ko nang kainin niya ang pandesal.
Tumalikod na ako para umalis na nang may tumawag sa akin.
“Excuse me Iho. Sandali lang!’’
Lumingon ako. Isang babae.
“Bakit po Mam?’’ tanong ko.
“Napansin ko may hinahanap ka rito? Puwede ko bang malaman kung sino?’’
“Meron nga po isang matandang babae. Kahapon po ng umaga, nakita ko siya rito na nakaupo. Binigyan ko po ng dalawang pandesal.’’
Napabunghalit ng iyak ang babae.
“Bakit po Mam?’’
“Ikalawa ka na sa nagsabing nakita ang aking mama. Naniniwala na ako.’’
“Nasan po siya?’’
“Patay na siya. Inilibing namin kahapon ng alas nuwebe. Diyan lang kami nakatira o.’’
“Pero binigyan ko pa po siya ng pandesal, Mam.’’
“Kaluluwa na lang niya yun. Nung nabubuhay pa siya, paborito niya ang pandesal at katunayan, siya ang bumibili ng pandesal na inaalmusal namin araw-araw.’’
Hindi ako nakapagsalita. Nanindig ang aking balahibo. Nang ikuwento ko kay Mama, siya man ay nangilabot.