PAGDATING ko sa bahay ay nag-aabang na si Mama at ang aking mga kapatid. Pandesal ang almusal namin. Nakahanda na ang mesa.
Iniabot ko ang supot ng pandesal kay Mama. Nakaugalian na kasi na si Mama ang nagdi-distribute ng pandesal sa aming magkakapatid. Kapag hindi ganun ang gagawin ay may nanlalamang.
Tigtatatlong pirasong pandesal kami.
Pero nang bilangin ni Mama ang binili kong pandesal ay 13 lamang sa halip na 15 piraso.
“Johnny, bakit kulang ng dalawa ang pandesal? Di ba thirty pesos ang pinabibili ko—dapat 15 pieces ito. Nasan ang dalawang piraso?’’
Napamulagat ako. Saglit akong nag-isip.
“Nasan ang dalawa? Nagkamali ba ang nagbigay sa iyo sa bakery?’’
Bigla kong naalala na ibinigay ko nga pala ang dalawang pandesal sa matandang babae na nakita kong nasa bangketa.
Sinabi ko kay Mama ang nangyari na may matanda akong nakita at nagugutom at binigyan ko ng pandesal. Naunawaan naman niya ako.
Kinabukasan, sa halip na 15 pirasong pandesal, 17 piraso ang binili ko sa utos ni Mama.
“’Yung dalawang pandesal ay ibigay mo sa matanda.’’
“Opo.’’ (Itutuloy)