Ang simpleng pagluluto ng kanin

ANG mga simpleng gawaing bahay kagaya ng pagsasaing, pagwawalis ng bahay, paghugas ng pinggan ay natural ko lang natutuhan sa pamamagitan ng pag-oobserba. Walang nagturo sa akin kung paano ito gawin. Ang medyo mahirap na gawain kagaya ng paglalaba, pagluluto na may kasamang paggigisa at paglinis ng isda ay natutuhan ko sa pamamagitan ng pagtatanong. O, kaya nang first time ko itong gawin ay nasa aking tabi si Nanay na habang binibigyan ako ng instruction.

Noong ako ay nasa 5th grade, kami ay nagkaroon ng project sa Home Economics kung saan maghahanda kami ng isang mura ngunit masustansiyang tanghalian. Maliit lang ang budget dahil tanghalian ito para sa isang mahirap na pamilya. Ang inihanda namin ay pritong galunggong na may sawsawang fresh tomato, ginisang munggo, kanin at panghimagas na saging na lakatan.

Ang assignment ko ay pagsasaing. Natutuhan ko ang pagsasaing sa sarili ko lang obserbasyon. Dahil ang aking paraan ng pagsasaing ay sarili ko lang diskarte, tinanong si H.E. teacher:

“Ilang beses ko po huhugasan ang bigas?”

Ang katotohanan, walang pormal na pagtuturo sa H.E. class namin kung ilang beses dapat hugasan ang bigas. Ipinagpalagay na ng titser na alam na namin iyon at naturuan na kami sa bahay.

Sa sarili kong diskarte, minsan isa, minsan dalawa at kung hindi maputi ang bigas, ito ay hinuhugasan ko nang maraming beses hanggang sa maging malinaw na ang tubig. Akalain ko bang ang isang inosenteng tanong ay magpapahamak sa aking grade.

“Hindi mo alam? Nahahalata ang mga senyorita sa bahay.”

Pagkatapos ng mahabang pagtalak ay saka sinabi ni Titser na dalawang beses dapat hinuhugasan ang bigas. Noon lang din nalaman ng aking mga kaklase ang tamang bilang ng paghuhugas. Ang pangyayaring iyon ay sakop ng second grading period. Ang grade ko noong first grading sa Home Economics ay 90 percent. Ang naging grade ko sa second grading ay 79 percent sa kabila ng katotohanang ang aking written exam ay 90 plus lagi.

First time akong nakakuha ng palakol simula ng mag-aral ako. Hindi uso  noon na sumusugod sa school ang magulang para tanungin ang titser kung paano lumagapak sa 79 ang dating 90 percent. Tama lang daw na 79 ang ibigay sa akin dahil simpleng pagsasaing lang ay hindi ko pa magawa nang tama.

Simula noon, may phobia na akong magtanong sa titser. Kapag hindi ko maintindihan ang lesson, nagpapaturo ako sa mababait at matatalino kong kaklase. Mas naiintindihan ko pa ang turo nila.

Show comments