Maid of Honor (180)
“NATITIGILAN ka kasi, Yana. Baka may problema ka e makatulong ako,’’ sabi ni Ram.
“Wala akong problema, Ram.’’
“Sure ka?”
“Oo.’’
“Salamat uli sa ginawa mong notes para sa akin. Makakahabol ako sa mga subjects na na-miss ko nung absent ako.’’
“Kumpleto ang notes na ginawa ko. Mula day 1, hanggang noong isang araw. Kung may mga tanong ka, sabihin mo lang sa akin.’’
“Salamat nang marami. Mahirap ang ginawa mo—isinulat mo lahat ang notes para sa akin.’’
“Tumatanaw ako ng utang na loob sa’yo Ram. Iniligtas mo ako sa mga bastos na lalaki at itong ginawa kong notes ang ganti ko sa kabutihan mo.’’
“Hindi mo talaga malimutan ang nangyaring pagbastos sa iyo ng dalawa.’’
“Oo. Nun lang ako nakaranas bastusin.”
“Alam mo kinuwento ko kay Mom ang nangyaring yun. Sabi ko, tinulungan ko ang isang magandang classmate na binastos ng dalawang lasing na lalaki. Ikinuwento ko yun sa kanya habang binabantayan sa ospital.’’
“Anong reaksiyon niya?”
“Sabi niya talagang dapat tulungan ang mga nangangailangan lalo na kung babae. Tama raw ang ginawa ko pero pinayuhan din akong mag-ingat. Si Mom ang naghikayat sa akin na mag-aral ng martial arts.’’
“Kaya pala ang husay mo.’’
“Sabi ni Mom, sa panahon ngayon na maraming criminal dapat marunong ng self defense hindi lamang ang lalaki kundi pati babae.’’
(Itutuloy)
- Latest