Backpack para sa mga alagang aso, mabilis na-sold out sa Japan!

ISANG bag maker company na nakabase sa Tokyo ang gumawa ng randoseru o backpack na para lamang sa mga alagang aso!

Ang randoseru ay isang uri ng backpack na ginagamit ng mga elementary students sa Japan. Ang randoseru ay gawa sa matibay na materyal tulad ng leather at dinisenyo upang magtagal ng anim na taon ng pag-aaral sa elementarya.

Ito ay madalas na may mga makukulay na disenyo at tradisyon na itong iregalo sa mga anim na taong gulang na bata bago sila magsimulang pumasok sa unang baitang ng elementarya.

Ang tradisyong ito ay nagmula pa noong Edo period at hanggang ngayon ay simbolo pa rin ng pagsisimula ng pag-aaral ng mga bata sa Japan. Dahil madalas itong makita sa mga anime at Japanese dramas, naging fashion item na rin ito sa western culture.

Dahil nauuso na rin ito sa mga adult western ­foreigners, naisipan ng bag maker company na Tsuchiya Kaban na gumawa na rin nito para sa mga aso. Nilabas nila ang produktong ito noong Oktubre 2023 at nag-viral ito matapos i-post ng sikat na baseball player na si Shohei Ohtani ang kanyang alagang aso na may suot nito.

Sa kabila na mahal ang randoseru na nagkakahalaga ng 49,500 yen (17,980 pesos), maraming bumili nito at na-sold out agad noong nakaraang taon. Ayon sa Tsuchiya Kaban, magre-release uli sila nito ngayong Hulyo.

 

Show comments