‘Manicure’
ISANG araw ng July 2018, pumasok si Angela Peters sa nail salon na nasa loob ng Waltermart. Naka-automatic wheelchair siya dahil sa kanyang sakit na cerebral palsy.
Sa kabilang dako, napadaan sa tapat ng nail salon si Ebony Harris, cashier ng Walmart para mag-lunch break. Nakita niya nang pumasok sa salon si Angela. Saglit lang ito sa loob at pagkatapos ay lumabas kaagad. Ang salon ay napapaligiran ng glass wall kaya nakikita ang mga tao sa loob.
Base sa body language ng staff ng nail salon na lumapit kay Angela, naobserbahan ni Ebony na tinanggihan nito na serbisyuhan ang babaing nasa wheelchair.
Kilala na ni Ebony si Angela dahil regular itong namimili sa Walmart. Kapansin-pansin kasi ito dahil lagi itong nag-iisa sa kabila ng kanyang kapansanan. Noon pa ay hanga na siya sa pagiging independent ni Angela. Paglabas ni Angela sa nail salon, nilapitan siya ni Ebony.
“Hi, I’m Ebony, cashier ako d’yan sa Walmart. Pamilyar ako sa iyo dahil suki ka namin. Lunch break ko ngayon. Gusto mo, ako ang mag-manicure sa iyo?”
Nagliwanag ang mukha ni Angela. Ngumiti ito at saka tumango. Sinamahan ni Ebony si Angela na mamili ng kulay ng cutex sa beauty section.
Pumasok sila sa isang fast food at doon isinagawa ang pagma-manicure. Natuwa ang isang staff ng fastfood at kinuhanan sila ng picture habang buong tiyagang pinahiran ni Ebony ang mga kuko ni Angela sa kabila ng paminsan-minsan involuntary paggalaw ng kamay nito.
Inilathala ng staff ng fastfood sa Facebook ang eksenang minamanikyuran si Angela ni Ebony. Naging viral ito. Umani ng paghanga si Ebony. Pareho silang ininterbyu sa ABC News.
Lalo pang nadagdagan ang mga humanga kay Ebony nang malaman ng publiko na kaya niya inalok ng manicure si Angela ay dahil tinanggihan siya ng nail salon porke may kapansanan ito.
Ang palusot ng nail salon kung bakit nila tinanggihang serbisyuhan si Angela, ay baka raw nila masugatan si Angela habang minamanikyuran dahil nga may mga involuntary itong galaw. Ipinagdiinan naman ng Walmart na tenant lang nila ang nail salon at hindi nila ito pag-aari.
Ang nagtulak kay Ebony na magprisintang manikyuran si Angela ay una, awa at pangalawa, nauunawaan niya ang mga babae, may kapansanan o wala ay nagnanais na maging maganda. Diyata’t kuko lang ang gusto niyang pagandahin ay ipagkakait mo pa sa kanya?
- Latest