Maid of Honor (163)

KAHIT narinig ni Yana ang utos ng nagmamaneho ng motorsiklo na saksakin siya ng kasama, hindi siya natakot at lalo pang hinigpitan ang hawak sa bag. Nagpaekis-ekis ang takbo ng motor kaya tumama sa gutter ng kalsada ang binti at paa ni Yana. Pero hindi siya bibitiw.

Nagpatuloy naman sa pagsigaw si Bianca.

“Tulungan n’yo kami! Harangin n’yo! Harangin n’yo!’’
Lalong binilisan ng nagmamaneho ng motor ang pagpapatakbo at lalong nakaladkad si Yana. Nagkasugat-sugat na ang kanyang braso at kamay dahil tumama sa kung saan-saan.

Nakarating hanggang sa may paanan ng Quezon Bridge ang motorsiklo. Hanggang isang police car ang humarang. Dalawa pang motorcycle cop ang dumating at nahuli ang dalawang magnanakaw.

Saka lamang nasaklolohan si Yana na noon ay maraming dugo sa binti. Marami ring galos sa mukha at braso.

Dumating si Bianca.

“Dalhin natin siya sa ospital!’’ sigaw nito.

Pinagtulung-tulungang dalhin sa ospital si Yana.

Isinakay sa patrol car.

(Itutuloy)

Show comments