Maid of Honor (161)

Hindi malilimuan ni Inah ang ginawang pagbebenta sa kanya sa isang Chinese. Mga virgin daw ang inoorder ng Chinese. Tiyak na malaking halaga ang ibinayad sa lider ng sindikato. Hindi na niya nakita ang babaing nag-recruit sa kanya. Pero kung makikita niya ito, makikilala niya.

Pagkaraang pagsawaan ng Chinese, kung kani-kanino pa siya binenta—may Japanese, Arabo at iba pa.

Hanggang sa mahantong siya sa pagsasayaw sa KTV. ­Naging “star of the night” siya. Kung saan-saan pa siyang KTV napadpad. Hanggang sa pati ang Chinese na nag-ooperate ng POGO ay nakursunadahan siya. Pero yun pala, ibubugaw din siya sa iba.

Pinagpasa-pasahan siya. Kung sinu-sinong lalaki. Hanggang sa pagkatiwalaan siya ng isang Chinese na lider ng sindikato ng human trafficking at droga na pati ang pera nitong koleksiyon ay pinagkakatiwala sa kanya. Sa kanya ipinatago.

Hanggang sa ma-rescue siya sa KTV habang nagsasayaw. Sa totoo lang, wala na siyang pag-asa na makakatakas pa sa prostitution.

Pero mabait ang Diyos at nakabalik siya sa liwanag. Nakatakas sa ­bangungot na maraming gabing sumaklot sa kanyang pagkatao.

Ngayon ay bagong buhay na siya. May sarili nang negosyo.

Hindi na umaasa na magkakaroon ng kasama sa buhay dahil sa masamang nakaraan.

Okey na sa kanya ang nag-iisa—kahit tumanda na walang kasama.

Nakahanda na siya sa bukas na haharapin. Kasama naman niya ang kanyang ama at ina.

(Itutuloy)

Show comments