Walang pulis sa kalye kaya krimen dumarami

KAPAG wala ang pusa, naglalaro ang mga daga. Ito ay lumang kasabihan na angkop na angkop sa mga nangyayaring krimen ngayon na umaalagwa dahil sa kawalan ng mga pulis na nagpapatrulya. Malakas ang loob ng mga holdaper, snatcher, akyat-bahay at iba pang masasamang loob dahil walang mga pulis. Mistulang pinakawalang mga tigre ang mga masasamang loob na sumasalakay.

Sa mga nakalipas na araw, sunud-sunod ang pagsalakay ng riding-in-tandem at walang habas na pumapatay. Noong Miyerkules, isang delivery rider ang pinagbabaril ng dalawang lalaki sa Litex Road, Commonwealth, Quezon City. Dead on the spot ang delivery rider at walang anumang tumakas ang mga salarin. Walang pulis na nakitang nagpapatrulya sa lugar.

Kamakalawa, isang babae ang biglang inagawan ng bag habang nasa loob ng kanyang garahe sa San Juan City. Ayon sa babae, ipinarada niya ang kanyang sasakyan sa harap ng kanyang bahay para buksan ang gate. Nang buksan niya ang gate biglang lumapit ang isang lalaki at inagaw ang kanyag bag. Mabilis na tumakbo palayo ang snatcher.

Ayon sa ilang witness, nagpanggap na food delivery rider ang lalaki at ipinarada ang motorsiklo malapit sa nakaparadang sasakyan ng biktima. Nang bumaba ang babae, sinundan ito at saka inagaw ang bag.

Marami pang nangyari sa mga nakaraang araw at walang magawa ang mamamayan sa umuusbong na krimen. Nasaan ang mga pulis na ang tungkulin ay magprotekta at magsilbi sa mamamayan?
Kamakalawa ipinag-utos ni PNP chief Gen. Rommel Marbil sa kapulisan na magpatrulya sa kalye para mabilis ang pagresponde. Paigtingin daw ang police visibility. Kahapon, may mga pulis na naglalakad na sa kalye at may mga patrol car na umiikot.

Hanggang kailan kaya ito?

Panibagong ningas kugon kaya ito?

Show comments