Maid of Honor (155)

SA kabila na nag-aaral, nagagampanan nang maayos ni Yana ang kanyang tungkulin bilang kasambahay. Walang nabago sa kanyang araw-araw na trabaho. Areglado lahat. Malinis ang bahay, nalalabhan ang maruruming damit, nakakapagluto nang maayos at naaalagaan pa ang dalawang anak nina Honor at Bianca. Nasa sistema lahat ang mga ginagawa ni Yana.

Kaya naman humahanga ang mag-asawa kay Yana. Bihira nang makakita ng katulad ni Yana na masipag, mabait at matalino pa sa pag-aaral.

Kapag bumabangon ng madaling araw si Bianca para mag-CR, nakikita niya si Yana na nag-aaral ng lesson nito. Nagme-memorize ng mga aralin. Sa dining table ito nagbabasa ng libro at nagsusulat.

Naalala ni Bianca noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo na tamad siyang mag-aral. Ni minsan ay hindi niya nagawang bumangon ng madaling araw para mag-aral o mag-memorize. Talung-talo siya ni Yana. At isipin pang nagtatrabaho si Yana bilang kasambahay—samantalang siya ay propesyunal na estudyante.

Kaya marami pa silang plano ni Honor para kay Yana. Kapag nakatapos na ito ng pag-aaral ay hahayaan na nilang pumasok sa isang magandang kompanya o ospital. Kaila­ngang mapakinabangan ni Yana ang napag-aralan. Sasabihin niya ang plano kay Honor. (Itutuloy)

Show comments