Pagbabagong kailangan
BUKOD sa nakagawiang pag-awit ng “Lupang Hinirang” at pagbigkas ng “Panatang Makabayan” at “Panunumpa sa Watawat,” ipinag-utos ni Presidente BBM ang pag-awit ng “Bagong Pilipinas” sa tuwing itataas ang bandila sa mga tanggapan ng gobyerno, mga unibersidad at kolehiyo, at maging sa LGUs.
Binibigyang-diin sa bagong awit ang pangangailangan sa pagbabago para sa pagpapaunlad ng bayan at pag-aayos ng dapat ayusin at pag-asenso at pagginhawa ng buhay. Ayon sa awit, kasama sa kailangang pagbabago ang pagmamalaki natin sa bagong Pilipinas, pagtangkilik sa sariling atin, at pangunguna sa kahit anong larangan para maging maaliwas ang ating bukas.
Maganda ang mensahe dahil kailangan naman talaga ang pagbabago upang magkaroon tayo ng magandang bukas. Hindi puwedeng pare-pareho lang ang ating ginagawa, pagkatapos ay aasa tayo na magkakaroon ng ibang resulta. Ang tawag dito ng siyentipikong si Albert Einsten ay malaking kabaliwan.
Kung hindi tayo magbabago bilang isang bansa, mananatili tayong kulelat at katatawanan. Marami ngang nagkakategorya sa atin bilang “The Sick Man of Asia,” ang Asyanong maysakit. Patuloy ang pag-unlad sa iba’t ibang larangan ng ating mga kapitbahay na natuto lang mula sa atin, katulad halimbawa ng Vietnam. Sa atin nag-aral ang Vietnam ng produksyon ng bigas. Ngayon, tayo na ang umaangkat ng bigas sa Vietnam.
May magandang depinisyon ang Bibliya tungkol sa pagbabago. Sabi sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”
Ang dapat mabago’y ang takbo ng ating pag-iisip, ang pagtanaw natin sa kahulugan ng buhay, ang depinisyon natin ng kung ano ang mabuti, at ang katiyakan sa mga bagay na ating pinahahalagahan.
Tayong mga Pilipino’y magaling kumopya sa iba, kaya’t kung ano ang uso sa ibang bansa’y napakadaling kumalat sa Pilipinas. Ngayon, kung hindi ko maririnig magsalita ang isang kabataang Pilipino ay aakalain kong siya’y isang Koreano, dahil kung manamit at kumilos ay Koreanong-Koreano. Sana’y matuto tayong magpalaganap ng kung ano ang atin, nang sa gayon, ang sasabihin sa atin ay Pilipinung-Pilipino.
Hahanga ka sa mga Pilipino dahil sa marubdob na pagmamahal sa pamilya. Kilala tayo bilang lahing mapagmahal sa pamilya. Magpapakahirap at handang magbuwis ng buhay ang isang Pilipino para sa kanyang pamilya. Kaya’t kahit napakahirap ng kalagayan, tinitiis ng mga OFWs ang hirap dahil sa pagmamahal sa pamilya. Napakaganda naman nitong katangian. Pero sana’y mahalin din natin ang ating bansa bilang ating malaking pamilya. Sana’y handa rin tayong magsakripisyo o mag-alay maging ng buhay alang-alang sa ating bansa, katulad ng ginawa ng ating mga bayani.
Tayong mga Pilipino’y kilala sa pagiging relihiyoso. Napakagandang katangian nito. Pero sana ang ating pagkarelihiyoso ay naipapakita natin hindi lamang sa loob ng simbahan, kundi lalong higit sa labas. May magandang sinabi sa Santiago 1:27, “Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.” Ang tunay na relihiyoso ay hindi lamang umiiwas sa paggawa ng masama, kundi nakikisangkot sa paggawa ng mabuti.
- Latest