Maid of Honor (151)

MINSAN, kinausap nang masinsinan nina Honor at ­Bianca si Yana. Naramdaman marahil ng mag-asawa na nag-iisip si Yana sa kinabukasan nito—kung habambuhay na magiging kasambahay na lamang nila. At siguro rin, nalaman ng mag-asawa na umuunlad na ang negosyo ng kapatid nitong si Inah sa probinsiya. Minsan nang naikuwento ni Yana ang tungkol sa beach resort ni Inah.

“Alam namin na nag-iisip ka rin sa kinabukasan mo, Yana. Kaya binibigyan ka namin ng laya kung magpapatuloy sa paglilingkod sa amin,’’ sabi ni Honor sa marahang boses. “Huwag kang mahiya, Yana at tatanggapin namin ni Ate Bianca mo ang iyong desisyon. Hindi kami magagalit.’’

“Oo nga Yana, sabihin mo ang nasasaloob at wala kang maririnig na pagtutol sa amin. Mauunawaan ka namin.’’

Hindi inaasahan ni Yana na sasabihin iyon ng mag-asawa.

Nagtapat si Yana.

“Kuya, Ate, nang umuwi ako sa probinsiya, tinapat ako ni Inah. Kung gusto ko raw umuwi ay pagtutulungan naming paunlarin ang resort niya. Malaki raw ang maitutulong ko sa kanya. Pero ang sagot ko, hindi ko kayo maiiwan. Naaawa ako sa inyo at sa mga bata. Napamahal na kayo sa akin. Dito ako Ate, Kuya. Maski nang magbalik ako rito, ilang beses kong tinanong ang sarili at talagang hindi ko kayo maiiwan.”

Napaiyak si Bianca sa sinabi ni Yana. Niyakap ito.

“Salamat, Yana.’’

Nagpasalamat din si Honor.

Kinabukasan, muling kinausap ng mag-asawa si Yana.

“Pag-aaralin ka namin Yana. Gusto namin makatapos ka ng kolehiyo para mayroon kang maipagmalaki. Piliin mo ang course na gusto mo at malapit sa puso mo.’’

Napaiyak si Yana sa sobrang katuwaan.

(Itutuloy)

Show comments