Halos isang buwan pa lang sa puwesto si PDEG director Brig. Gen. Eleazar Matta subalit nagpasiklab kaagad siya. Ang tinutukoy ko mga kosa ay itong pagkaaresto ng mga operatiba ng PDEG sa mga Pakistani na sina Zahid Rafique Pasha, 50, at Akram Muhammad, 50, kung saan nakumpiska ang P235 milyong halaga ng Ketamine. Eh di wow!
Hindi lang ‘yan, mula nang maupo bilang hepe ng PDEG noong Mayo 6 si Matta, kilu-kilong shabu rin ang nakumpiska ng mga tauhan niya sa buong Pinas. Dipugaaaaa! Kaya hindi nagkamali si PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa pagtalaga kay Matta sa PDEG dahil malaki ang papel nito sa pagsugpo ng droga, di ba ex-PNP chief at incoming Mayor Oca Albayalde Sir? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Open secret naman ‘yan na biglang tumahimik ang PDEG matapos masangkot ang mga tauhan nito sa 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa raid sa isang lending firm sa Tondo, Manila noong 2022. Lalong uminit pa ang nasabing unit matapos ideklara ni ex-PNP chief Junaz Azurin na may 18 opisyal ng PNP na sangkot sa droga at pinadismis pa niya. Nasa korte na ang mga kasong nabanggit.
Mula noon, low morale na ang taga-PDEG at ni hindi nabalitaan na nagkaroon sila ng malalaking accomplishments. Enter the dragon….este enter si Matta, at naiba ang ihip ng hangin. Nagdala ng mga bagong tauhan si Matta at sa guidance ni Albayalde….este ni Marbil pala, dahan-dahan niyang iniangat sa pagkalubog sa kumunoy ang PDEG sa pamamagitan ng malalaking accomplishments sa kampanya vs droga. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ayon kay kosang Lloyd Caliwan ng PNA, sina Pasha at Faheem ay naaresto ng mga bataan ni Matta sa isang buy-bust operation nitong Huwebes sa Roxas Blvd. Service Road sa Bgy. 699, Malate, Manila. Nakumpiska sa dalawang Pakistani ang 47 kilos ng Ketamine na nagkakahalaga ng P235 milyon. Dipugaaa!
Maliban sa kilu-kilong Ketamine, nakuha rin sa mga Pakistani ang buy-bust na boodle money, at dalawang SUV. Ano ba ang gamit nitong Ketamine? Ito palang Ketamine ay isang hallucinogenic dangerous drug kung saan ang mga gumagamit ay magkaroon ng panandaliang memory loss. Bunga nito, may ibang Pinoy na ginagamit itong date-rape drug. Tsk tsk tsk! Maraming Pinoy pala ang masisiraan ng bait kapag naghumaling sa drogang ito, ‘no mga kosa? Ano pa nga ba? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Kaya naman naging matagumpay ang lakad laban sa mga suspects dahil sa malawakang casing, surveillance at test buy operation sa impormasyon na ibinigay ng police asset galing sa Calabarzon. Matapos ma-validate ang info, ikinasa ang buy-bust operation at nagtagumpay naman ang mga operatiba ni Matta. Mabuhay ang PDEG!
Kung ganito ba kalaki palagi ang accomplishment ng PDEG sa liderato ni Matta, eh di mawawala na din sa kalye ang droga na tinaguriang salot sa lipunan, di ba mga kosa?
Sanamagan! Ang dalawang Pakistani ay nakakulong sa ngayon sa SOU-NCR ng PDEG sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, samantalang ang mga ebidensiya ay susuriin ng PNP Forensic Group sa Camp Crame. Mismooooo!
Si Matta na kaya ang hulog ng langit para maiahon ng PDEG ang kanilang imahe? Ano sa tingin mo Mayor Albayalde Sir? Dipugaaaaa! Kung sabagay, hindi magiging matagumpay itong PDEG sa anumang operation nila kung walang todo suporta si Marbil. Tumpak! Abangan!