MUKHANG may dapat pang pagkaabalahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang local government units (LGUs), ngayong pormal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Ayon nga sa PAGASA, mataas na tsansa ng pagpasok ng La Niña sa Hulyo, Agosto at Setyembre na sa pagkakataong ito ay inaasahan ang mas maraming ulan kaysa sa normal na nararanasang pag-ulan sa panahon ng rainy season hanggang sa pagtatapos ng taong 2024.
Kailangan na marahil na muling malinis ang mga daluyan ng tubig, creek at ilog na nabarahan na ng sangkaterbang basura at nagsasanhi ng matinding pagbaha.
Hindi pa ito agad napapansin at malalaman na lang ang perwisyong dulot nito kapag nandyan na ang matinding pagbaha.
Kapansin-pansin din naman ang mga road repair na ginagawa sa iba’t ibang lugar.
Dapat din itong masilip baka lagpas na sa itinakdang deadline na dapat itong matapos.
Kadalasan natetengga ang mga paggawa, kasi kung makikita mo pa-easy-easy lang ang mga gumagawa, habang malaking bahagi ng kalsada ang kanilang nasasakop, bukod pa sa mga gamit nilang basta na lamang nakahambalan sa daan.
Nagtatanong ang ating mga ka-Responde dahil may ilang lugar na kahuhukay pa lang umano huhukayin na uli.
Paulit-ulit na lang, pati pondo dito sayang.
Kapag bumuhos na ulan, baha pa rin.
Anong klaseng trabaho yan?
Kasi nga madalas na hindi naiinspeksyon nang nagpapagawa.
Ngayong pumasok na ang tag-ulan, sigurado maraming mga proyekto ang pwedeng isagawa na mangangailangan ng pondo.
Sana naman ay magamit sa tama ang ‘pera ni Juan dela Cruz’ at huwag masayang sa mga proyektong pampapogi lamang masabi lang na may ginawa.